MELBOURNE, Australia (AP) — Sariwa pa sa ala-ala ni Mischa Zverev ang unang pagtatagpo nila ni Andy Murray bilang junior player sa semifinals ng 2004 U.S. Open boys’ tournament.
Gamit ni Zverev ang serve-and-volley game at nabigo siya. Nakamit ni Murray ang titulo.
Matapos ang 12 taon, muling nagsanga ang landas ng dalawa – sa pagkakataong ito sa mas prestihiyosong Grand Slam tournament. Muling ginamit ni Zverev ang nakasanayang taktika at laban sa ngayo’y world No.1 naging epektibo ang istilo para maitala ang isa sa pinakamalaking panalo sa kanyang career.
Nasilat ng German journeyman si Murray, 7-5, 5-7, 6-2, 6-4, para makaabot sa quarterfinals ng Australian Open nitong Linggo sa Rod Laver court.
“I knew I could get to him with my game,” pahayag ni Zverev. “I knew I could slice a lot, come in, try to annoy him, which worked.”
Napapanahon ang panalo ni Zverev, kilala bilang ‘older brother’ ng star-in-waiting na si Alexander Zverev at sa edad na 29 nagsisimula nang lumabas ang kanyang potensyal sa mundo ng tennis.
Kabilang si Zverev sa ipinagmamalaking junior player, ngunit hindi nakaangat ang kanyang career. Inabot niya ang pinakamataas na ranking sa No. 48 noong 2009, ngunit natigil siya sa pagsabak sa Tour dahil sa injury.
Umabot sa tatlong oras at 34 minuto ang laro kung saan sumalto ang service play ni Murray nang walong ulit. Ang panalo ay pambawi ni Zverev mula sa kabiguang nalasap ng nakababatang kapatid na si Alexander, nagapi ni Rafael Nadal sa third round nitong Sabado.
Makakaharap niya ang mananalo sa duwelo sa pagitan nina 17-time Grand Slam champion Roger Federer at Japanese star Kei Nishikori.
Ang pagkasibak ni Murray ay naging daan sa kasaysayan bilang kauna-unahang kaganapan sa Open mula noong 2002 na wala ang top two ranked player sa quarterfinals ng Australian Open. Nauna nang nasibak si defending champion at No.2 ranked Novak Djokovic kay wild-card entry Denis Istomin.