KUNG totoong may dalawang kongresista na kasama sa “narco list” ni Pangulong Rodrigo Duterte, ano ngayon ang gagawin ng Pangulo sa kanila? Hihiyain ba niya ito tulad ng ginawa niyang panghihiya (public shaming) kay Sen. Leila de Lima, sa ilang police generals na kinabibilangan nina ex-PNP Deputy Marcelo Garbo, ex-Chief Supt. Vicente Loot (ngayon ay mayor ng Daanbantayan, Cebu), Chief Supt. Joel Pagdilao at iba pa? Bakit maging si Speaker Pantaleon Alvarez na nagkumpirmang dalawa ngang incumbent congressman ang nasa listahan, ay tameme sa pagtukoy sa kanila?

Nagtatanong ang taumbayan: “Bakit hindi isinapubliko ni PDu30 ang pangalan ng dalawang kongresista, pero kaybilis niyang inihayag ang pangalan ni Sen. De lima, ex-Pangasinan Gov. Amado Espino (nagkamali raw siya dito), at ng PNP Generals na umano’y sangkot sa illegal drugs?”

Inatasan na ba niya si PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na ambushin, lasunin o patayin ng kanilang mga chief of police ang dalawang kongresista tulad ng banta niya sa mga governor na aambushin at lalasunin kapag hindi tumigil sa illegal drug trade? Binantaan din niya ang mga mayor na pinulong sa Malacañang na kung hindi sila titigil sa tiwaling gawain, sila ay ipakukulong at baka matulad sa isang mayor sa Leyte na napatay ng mga pulis habang nakakulong.

Isang Cardinal ng Simbahang Katoliko, si Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo, ang nagtatanong kung bakit may ilang Pilipino na nagsasabing sila ay Katoliko subalit sinasang-ayunan ang umano’y EJK (extrajudicial killings) na nangyayari sa drug war ni Pres. Rody. Para kay Cardinal Quevedo, ang sagot dito ay ang tinatawag na “dichotomy” sa pananalig ng naturang mga Pilipino. Batay sa dictionary, ang “dichotomy” ay nangangahulugan ng “division into two mutually exlusive opposed or contradictory groups” at “division into two parts, kinds, etc.” Dalawang sangay.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ibig sabihin, magkahiwalay na parte, uri, grupo tulad ng “pag-iisip” at “aksiyon” o sa pagitan ng “eastern at western cultures.” Ayon kay Quevedo, sa kabila ng mga aral ng Simbahan, ang pananalig o pananampalataya ng ating bansa ay isang “dichotomy”. “We believe in it, but we do not practice our faith.” O, sa wika ni Balagtas ay naniniwala tayo, pero hindi natin pinapraktis ang ating pananampalataya.

Samantala, kinastigo ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang HRVs (human rights violations) sa giyera ni Mano Digong sa ilegal na droga. Karamihan sa mga Pilipino ay katig sa determinasyon ng Pangulo na sugpuin at tuldukan ang salot ng droga sa ‘Pinas, pero salungat sila sa walang habas na pagbaril at pagpatay ng mga pulis at vigilantes (na mga pulis din daw) sa drug pushers/users... na maging ang mga walang malay na kaanak ay nadadamay.

Dagdag ni Quevedo: “Corruption is in government offices but there are 80% of catholics in the government. If there’s corruption and murder, it’s because Filipinos do not practiice their faith.” Sa totoo lang, naniniwala ang karamihan sa mga Pinoy na walang konsensiya ang mga pulis sa pagpatay sa pinaghihinalang drug pushers/users. Basta babarilin sila sa katwirang nanlaban daw gayong ang iba ay natutulog kasama ang pamilya.

Sabi nga ng mga analysit at observer, sa halip na maging tagapangalaga o protector ng mga mamamayan ang mga pulis (hindi naman lahat), sila pa ang sumasalakay at pumapatay sa kanila. (Bert de Guzman)