Puno ng pag-asa ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa proteksiyunistang paninindigan ng kauupong si United States President Donald Trump.

Sa panayam ng programang News Break ng PTV 4 ng gobyerno noong Sabado ng gabi, sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na iaangkla ng pamahalaan ng Pilipinas ang relasyon nito sa United States sa nakikitang paninindigan ni Trump na huwag makialam sa ibang bansa.

Sinabi ni Andanar na ang 16-minutong talumpati ni Trump ay nagbibigay-diin sa papel ng bagong U.S. administration sa pakikitungo sa ibang nasyon.

“Nabanggit nga niya doon na they will not impose their lifestyle on other nations. The President of the United States believes on protectionism, America first. At, he also encourages the other nations to serve the interests of their own people,” ani Andanar.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Binanggit ni Andanar ang pagkakapareho ng ilang polisiya ni Trump at ni Duterte, lalo na sa pagkakaroon ng independent foreign policies sa kani-kanilang bansa.

Sinabi ni Andanar na nakikita nilang magiging mas maganda ang relasyon ni Trump at Duterte kumpara sa nakalipas na administrasyon ni U.S. President Barack Obama. (Yas D. Ocampo)