ANIMO’Y nagpapaligsahan ang mga imbestigador ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ng pagdukot sa isang negosyanteng Koreano sa Angeles City noong nakaraang taon, na pinatay umano sa Camp Crame, kahit na nakapagbigay na raw ng ransom na P5 milyon ang pamilya nito.

At sa ganitong pagkakataon, tila gumaganda naman ang resulta ng imbestigasyon ng PNP at NBI sa kasong ito ni Jee Ick-Joo— na kung tawagin ay TOKHANG FOR RANSOM— at sa pakiwari ko’y lumiliit naman ang mundo ni SPO3 Ricky Sta. Isabel, ang pulis na nadidiin ngayon sa kaso sa pamamagitan ng gawa-gawang OPLAN TOKHANG, nagdala sa biktima sa Camp Crame at pumatay dito.

Dalawang pulis din na taga-Camp Crame rin ang nagdidiin kay Sta. Isabel. Napapaniwala raw kasi sila nito na lehitimong OPLAN TOKHANG ang kanilang operasyon dahil sa loob pa mismo ng Camp Crame nila dinala ang Koreano. Nagulat na lang daw sila nang ibalot sa packing tape ang mukha ng biktima at sakalin niya ito hanggang sa mamatay. Mula Camp Crame, dinala naman daw nila ang bangkay sa isang punerarya sa Caloocan City kung saan ito ay i-crinimate.

Isa si Sta. Isabel sa mga tiwaling pulis na sobra ang tiwala sa sarili na habambuhay niyang mapapaikot ang batas sa kanyang mga kamay. Mantakin ninyo namang dati na pala siyang may kasong kidnapping sa Northern Police District (NPD), ngunit ang lakas pa rin ng loob na gumawa ng kawalanghiyaan at labas-masok pa man din siya sa Camp Crame. Alam na niyang iniimbestigahan na siya hinggil sa pagkawala ni Jee Ick-Joo ngunit balewala lang ito sa kanya na para bang may ipinagmamalaki siyang mas mataas na opisyal ng PNP na nasa likuran lang niya…Baka naman meron nga kaya napakalakas ng loob niya!

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Ito ang maganda, nang may nag-ingay sa Camp Crame hinggil sa kasong ito at naungkat bigla ang paggamit sa OPLAN TOKHANG na palusot sa mga ilegal na gawain ng ilang pulis, medyo kinabahan yata si Sta. Isabel, nakaramdam na baka siya na ang ma-TOKHANG,... kaya biglang kambiyo, takbo sa NBI at doon nagpa-custody at balak pa raw yatang tumayong state witness laban sa mga protektor niya sa PNP.

Dito na nag-umpisang “maghalo ang balat sa tinalupan” - labanang PNP at NBI sa imbestigasyon – hindi pa man yata nakakakanta sa NBI si Sta. Isabel ay biglang naglabasan ang mga ebidensiyang nagdidiin sa kanya bilang utak sa pagdukot at pagpatay sa Koreano.

Ano man ang kalabasan nito, sigurado ako – ang taumbayan ang tiyak na panalo!

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)