SA pagtitipong tinawag ni Pangulong Digong para sa mga gobernador tungkol sa kanyang kampanya kontra droga, galit na galit daw ito nang banggitin ang kaso ng Koreanong si Jee Ick Joo, ayon kay Gov. Lilia Pineda ng Pampanga. Ang mga nangidnap na pulis, ayon daw kay Duterte, ay hindi niya mga tauhan. “Nagtataka ako bakit hindi sila takot sa akin,” sabi raw niya.

Dating Hanjin executive ang South Korean businessman na si Jee Ick Joo. Siya at ang kanyang kasambahay ay kinuha ng mga tauhan ng PNP Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) sa kanyang tahanan sa Angeles, Pampanga, noong Oktubre dahil umano sangkot siya sa droga. Iyon pala, pagkatapos pakawalan ang kanyang kasambahay, dinala siya sa Camp Crame at sa kanyang itim na Ford Explorer ay pinatay umano siya sa sakal. Nakaparada ang kotse sa labas ng gusali ng PNP AIDG, katabi lang ng PNP Public Information Office at Police Community Relations Groups Office. Pinatay ang Koreano kahit nakapagbigay na ng P50 milyon ransom ang kanyang maybahay.

Hindi ko nakikita ang pagkakaiba ng nangyaring ito sa Koreano sa nangyari kay Leyte, Albuera Mayor Espinosa. Sa loob ng piitan, sinalakay siya at pinatay ng mga operatiba ng CIDG-Region 8.

Wala ring pagkakaiba ito sa mga binabaril ng mga pulis sa kanilang tahanan sa gitna ng gabi na sinasabing pagkakasangkot din sa droga ang dahilan. Pati iyong apat na bata sa Caloocan na niratrat ng mga pulis para masiguro nila na napatay nila ang kanilang hinahabol. Isama pa iyong batang babae na naghihintay na magsimula ang Simbang Gabi nang tamaan ng ligaw na bala na nakalaan sa hinahabol nilang sangkot sa droga. Iyong batang lalaki na umano ay may Uzi na binaril ng mga pulis pagkatapos na hindi nila abutan ang stepfather nito na siyang pakay nila.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Nauna pa rito, isang OFW sa Laguna ang na-checkpoint ng mga pulis upang alamin ang pagkakakikilanlan sa kanya. Nang bumalik sa checkpoint, hinuli na siya at pinatay dahil umano sa droga. Iyon pala, iyong isa sa mga pulis ay ka-live-in ng dating nobya ng OFW.

Lahat ng ito ay inako ni Pangulong Digong. Sa kaso nga ni Mayor Espinosa, higit na pinaniniwalaan daw niya ang mga pulis na legitimate operation ang nakadale sa alkalde. Humingi naman siya ng paumanhin sa mga napahamak... na mga sibilyan dahil hindi raw maiaalis na laging may nadidisgrasya sa giyera.

Bakit ngayon ipinagkakaila niya na hindi niya tauhan ang mga pulis na kumidnap at pumatay sa Koreano sa loob mismo ng Camp Crame? Ang kampanya niya sa droga ang ginamit ng mga pulis para madukot nila ito.

Kung hindi mo maiaalis na may mga inosenteng tao na napapatay sa paglulunsad mo ng giyera laban sa droga, hindi mo rin maiaalis na may mga pulis, gaya ng bumiktima sa Koreano, na gamitin ang giyerang ito sa kanilang pansariling layunin. Bakit matatakot kay Pangulong Digong ang mga pulis na sangkot sa pagpatay sa Koreano, eh, ginagaya lamang siya.

Napakarami nang napatay na tao sa maikling panahon pa lang ng kanyang panunungkulan. Ang nangyari sa Koreano ay isa lamang sa mga bunga ng pagsugpo sa droga ng Pangulo kaya wala siyang karapatang maghugas-kamay dito. (Ric Valmonte)