ISANG linggo bago koronahan ang bagong Miss Universe sa Enero 30, ipinadama ng punong-abalang bansa, ang ating Pilipinas, ang mainit na pagtanggap sa 86 na kandidata sa isang welcome dinner na dinaluhan ng ilang kalihim ng Gabinete, ilang senador, ilang alkalde at mga kilalang personalidad sa Governor’s Ball noong Lunes ng gabi.

Ipinangalan ang Governor’s Ball, na ginanap sa SMX Convention Center sa Pasay City, kay dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson, ng pageant host committee na LCS Group of Companies.

Sa kanyang panimulang pagbati, binanggit ni Singson kung paanong inabot ng 22 taon bago muling idaos sa Pilipinas ang prestihiyosong Miss Universe pageant.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“Tonight we officially mark the opening of the 65th Miss Universe competition. The long haul to bring the pageant back to the Philippines has ended. We have succeeded,” ani Singson.

Pinasalamatan din ni Singson ang Miss Universe Organization para sa natatanging oportunidad to show the world the generosity of the Filipino spirit and the richness of culture.”

Inaasahan din niya na kahit tapos na ang patimpalak ay muling bibisita ang mga kandidata at mga tagahanga at mga tagasuporta ng mga ito sa ating bansa.

“To many of you, we know this is your first visit to the Philippines and hope that you return again and again to visit our spectacular beaches and other tourist spots,” saad ng dating gobernador.

Sa isang panayam, nagpahayag din ng labis na kasiyahan si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach na nakilala niya at nakadaupang-palad ang mga kandidata mula sa iba’t ibang bansa.

”I can’t wait to meet them, hear their stories, hear about their experience and I look forward to making more friends,” sabi ni Wurtzbach.

Dumating din si Wurtzbach sa SMX Convention Center kasama si Singson.

Inihayag naman ni 1969 Miss Universe Gloria Diaz na ang pangangasiwa ng Pilipinas sa Miss Universe pageant ay isang magandang oportunidad upang ipakita ang “good side” ng bansa sa kabila ng negatibong mga balita tungkol dito.

Hinimok din ng 65-anyos na kauna-unahang Miss Universe ng Pilipinas ang pambato ng bansa ngayong taon na si Maxine Medina at ang iba pang mga kandidata na sulitin ang patimpalak at manatiling masaya bilang kinatawan ng kani-kanilang bansa, manalo man o matalo.

Kabilang sa mga opisyal ng gobyerno na nasa Governor’s Ball sina Justice Secretary Vitaliano Aguirre, Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III, Senator Emmanuel “Manny” Pacquiao, at ang mga alkalde sa Metro Manila, sa pangunguna ng dating pangulo, si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada.

Naroon din ang mga miyembro ng Miss Universe Organization, sa pangunguna ni President Paula Shugart, 1969 Miss Universe Gloria Diaz at 1973 Miss Universe Margie Moran, at iba pang beauty queen at title holders. (PNA)