MISTULANG may malaking pagkakaiba sa pagtaya ng peace panel ng gobyerno ng Pilipinas at ng panel ng National Democratic Front (NDF) kung kailan maaari nang tuldukan ng magkabilang panig ang mga paglalaban sa bisa ng pinagkasunduang ceasefire agreement.
Sa pangunguna ni Labor Secretary Silvestre Bello III, nagpahayag kamakailan ng kumpiyansa ang panel ng gobyerno na maaari nang magkaroon ng kasunduan sa ikatlong bahagi ng usapang pangkapayapaan na nagsimula nitong Huwebes sa Rome, kasunod ng dalawang naunang pulong sa Oslo, Norway. Ngunit sinabi ni Jose Ma. Sison, ang founding chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP) at pangunahing political consultant ng NDF, na inaasahan niyang magkakaroon na ng kasunduan “as early as 2020-2021.”
Hangad ng ating gobyerno na agarang malagdaan ang cessation of hostilities agreement habang nagpapatuloy ang mga talakayan sa usaping panlipunan at pang-ekonomiya at mga repormang pulitikal at konstitusyunal. Ngunit mistulang nais ng NDF na makumpleto muna ang mga pag-uusap tungkol sa mga reporma, upang magkaroon ng basehan ang Comprehensive Agreement on the End of Hostilities and Disposition of Forces pagsapit ng 2020 o 2021. Ito ay tatlo hanggang apat na taon mula ngayon.
Sa loob ng tatlo hanggang apat na taong ito, sinabi ni Sison sa pagsisimula ng talakayan sa Rome na mananatiling kaalyado ng gobyerno ang NDF, makikipagtulungan sa pagtatatag ng republikang federal at parlamentaryong sistema ng pamahalaan. Pagkatapos ng mga pag-uusap sa mga pagbabagong panlipunan at pang-ekonomiya at sa pagsasakatuparan ng political-constitutional reforms sa mga pormal na kasunduan, hangad ng NDF na maipatupad na ang mga ito ng administrasyong Duterte kahit dalawang taon bago matapos ang termino nito.
Sa unang bahagi ng buwang ito, nagkaroon na ng mga hindi pagkakasundo sa pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, at sinabi ni Pangulong Duterte na masyado nang maraming hinihinging kondisyon ang NDF. Ayon sa Presidente, handa siyang magpalaya ng mas maraming bilanggo kapag nasilayan na niya ang kopya ng pormal na kasunduan para sa isang pinagkaisahang tigil-putukan. Gayunman, ikinatwiran ni NDF peace panel Chairman Fidel Agcaoili na ang pagpapalaya sa aabot sa 400 babae, maysakit at matatandang bilanggo “should not be used as trump cards to extract concessions from the NDF.”
Magkaiba ang dalawang posisyon, ngunit ang katotohanang nag-uusap sila ngayon sa Rome ay humihikayat ng pag-asa na kalaunan ay makakasumpong din sila ng mapagkakasunduan. Ang paglalaban sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at ng New People’s Army ay inabot na ng 47 taon ngayon—ang pinakamatagal na insurhensiya ng mga Komunista sa mundo.
Mauunawaang nais ng pamahalaan na agarang matigil ang mga paglalaban, habang ang NDF, na nagsasalita para sa CPP at NPA, ay hangad namang makita munang nasusulat sa mga pormal na kasunduan at aktuwal na ipinatutupad ng gobyerno ang mga repormang isinusulong nila. Mahalagang magkaroon ng kompromiso sa magkaibang posisyong ito upang magkasundo ang dalawang panig. Sa ngayon, tama lamang na malugod tayo sa katotohanang tinatalakay nila ang mahahalagang usapin sa kabila ng mga pagkakaiba.