Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Center)
9:30 n.u. -- EAC vs CSJL (m/w)
12:30 n.h. -- SSC vs LPU (w/m)
3:30 p.m.- SSC vs LPU (jrs)
TARGET ng San Sebastian na masungkit ang unang pagsubok tungo sa inaasam na outright final berth laban sa Lyceum of the Philippines sa women’s division ng 92nd NCAA volleyball tournament ngayon sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.
Puntirya ng Lady Stags, nagwagi sa Perpetual Help Lady Altas, 25-22, 25-13, 25-13, nitong Enero 11 para manatiling malinis ang marka sa 7-0, ang ikawalong sunod na panalo laban sa Lady Pirates sa tampok na laro sa 2:00 ng hapon.
Kakailanganin ng San Sebastian na mawalis ang nine-game elimination para makuha ang awtomatikong final slot at kaakibat na thrice-to-beat na bentahe.
Huling haharapin ng San Sebastian ang defending champion St. Benilde sa Miyerkules.
Umaasa naman ang lady Pirates na mapigilan ang Lady Stags at makabawi sa magkasunod na kabiguang natamo sa Perpetual Help, 21-25, 27-29, 23-25, at Arellano U, 23-25, 23-25, 20-25, para manatiling buhay ang kampanya sa finals.
“We really have no choice but to go for a win,” sambit ni LPU mentor Emil Lontoc.
Sa sitwasyon, higit ang alalahanin ni San Sebastian coach Roger Gorayeb.
“It’s always hard to play a team that is desperate so we really have to watch out and play hard,” aniya.
Sa juniors play, asam ng LPU na mawalis ang elimination at masungkit ang outright final berth kontra sa San Sebastian ganap na 3:30 ng hapon.
Target ng Junior Pirates ang ikapitong sunod na panalo para makamit ang minimithing championship match at ang kaakibat na thrice-to-beat na bentahe.