ROME, Italy – Naaaninag na ang inaasintang bilateral ceasefire sa unti-unting pagkakasundo ng Philippine Government (GRP) at National Democratic Front (NDF) sa mga isyu kaugnay sa social at economic reforms – ang tinaguriang “heart and soul” ng peace negotiations sa ikatlong serye nito sa Holiday Inn Rome – Parco de Medici.

Sa press statement na inilabas ni GRP peace panel chairman Silvestre Bello III noong Linggo, sinabi niya na ang mga pag-uusap sa Rome “are breaking new grounds and gaining more traction towards finally achieving peace in the country.”

Aniya, hinihimay na nila Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER), na tumatalakay sa genuine land reform, national industrialization at expansion of social services.

Umaasa si Bello na malalagdaan ng dalawang partido ang draft proposals ngayong linggo, bago magtapos ang mga pag-uusap sa Enero 25.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Naunang sinabi ni Communist Party Founding Chairman and NDF Senior Political Consultant Jose Maria Sison na masaya siya sa pagtalakay ng CASER at positibong pormal itong malalagdaan sa loob ng susunod na anim na buwan.

Noong Sabado, Enero 21, nilagdaan ng magkabilang panig ang supplemental guidelines sa Joint Monitoring Committee sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Tinanong ng isang mamamahayag si NDF peace panel chairman Fidel Agcaoili sa press conference pagkatapos kung nalalapit na ang dalawang partido sa paglalagda sa bilateral ceasefire agreement.

“I’d like to state clearly that the implementation of CARHRIHL requires the release of the 392 political prisoners,” sabi ni Agcaoili.

Bago magsimula ang mga pag-uusap sa Rome, nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na agad niyang palalayain ang political prisoners sa oras na malagdaan ng GRP at NDF peace panels ang bilateral ceasefire.

Ngunit nang muling tanungin ng media kung malabo na ba ang bilateral ceasefire agreement bago magtapos ang mga pag-uusap sa Rome, agad na sumagot si Agcaoili na: “I’m not saying that… There are things that can be talked about.”

Nang marinig ito ay napangiti at nag-thumbs up si Bello kasabay ng pagpalakpakan ng lahat na nasa silid.

(ROCKY NAZARENO)