Naniniwala si dating pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng martial law at maaaring nananakot lamang ito.
“Baka nan-te-threaten lang siya,” komento ni Estrada nang tanungin kaugnay sa mga banta ni Duterte na magdedeklara ng martial law.
Humarap sa media si Estrada nitong Miyerkules matapos ang graduation exercises ng 82 traffic enforcers ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa city hall.
Naninindigan si Erap na hindi na kailangan ni Duterte ng martial law lalo na’t matagumpay naman ang kanyang kampanya laban sa droga at krimen.
Gayunman, hiniling niya sa publiko na bigyan pa ng sapat na panahon si Duterte upang tuluyang maalis ang droga sa bansa. (Mary Ann Santiago)