Isang katutubong Badjao ang nasawi makaraang pagbabarilin ng isang miyembro ng City Security Force (CSF) ng Manila City Hall habang nagbebenta ng cell phone sa mga driver ng truck na dumadaan sa A. H. Lacson Street sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling araw. Dead on the spot si Jimmy Said, katutubong Badjao na taga-Angeles City, Pampanga, may isang linggo pa lamang sa Maynila at kalalabas lang sa Manila Reception and Action Center shelter.

Arestado naman si Renato Ramos, 43, tauhan ng CSF, at residente ng Tindalo Street, Tondo, na nakilala makaraang mahulog ang kanyang ID at cell phone habang tumatakas sakay sa itim na Yamaha motorcycle (7428-UX).

Sa imbestigasyon ni PO3 Rodel Benitez, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nabatid na dakong 12:30 ng umaga nang mangyari ang krimen sa A. H. Lacson Street, malapit sa kanto ng España sa Sampaloc.

Batay sa salaysay ng kapatid ng biktima na si Jess Said, magkasama silang nagbebenta ng mga cell phone sa mga nagdaraang truck driver nang biglang dumating ang suspek na lulan ng motorsiklo at kaagad na binaril sa kanang sentido ang biktima, bago pinaputukan din umano si Jess ngunit hindi tinamaan.

National

PBBM, busy sa trabaho; dedma muna sa Senado

Gayunman, habang papatakas ay hindi napansin ng suspek na nahulog ang kanyang Asus cell phone at ang kanyang unified multi-purpose ID, na napulot ng asawa at anak ng biktima na nakasaksi sa krimen.

Dahil dito, sa mismong bahay inaresto si Ramos ng mga operatiba ng MPD-CAPIS at MPD-Station 4.

Batay sa impormasyong nakuha ng mga awtoridad, posibleng mga nakaw ang mga ibinebentang cell phone ng biktima, ngunit pinabulaanan ito ni Jess at sinabing binibili nila ng P50 ang bawat cell phone mula sa mga bahay-bahay sa Maynila.

(MARY ANN SANTIAGO)