IKA-23 ngayon ng malamig na buwan ng Enero, isang karaniwang araw ng Lunes. Ngunit sa kalendaryo ng kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas, mahalaga at natatangi ang araw na ito ng Enero 23, sapagkat ginugunita at ipinagdiriwang ang anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas—ang itinuturing na kauna-unahang Demokrasya sa Asia. Isang non-working holiday sa Bulacan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Bulakenyo na makilahok sa pagdiriwang.

Ang Unang Republika ng Pilipinas ang pruweba na ang mga Pilipino ay may kakayahang magsarili at magkaroon ng kalayaan matapos ang may 300 taong pananakop at panunupil ng mga Kastila, na nilagot ng inilunsad na mga himagsikan ng mga Pilipinong mapagmahal sa kalayaan.

Bagamat ang Unang Republika ng Pilipinas ay nagtagal lamang ng isang taon at tatlong buwan, natatangi rin ito sapagkat mula sa abo ng himagsikan, ito’y naging simbolo ng pagpupunyagi ng mga Pilipino upang malagot ang tanikala ng pang-aalipin at pang-aapi ng mga dayuhan.

Ang pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas ang naging wakas ng paghihimagsik ng mga Pilipino laban sa pamamahala ng mga Kastila. At noong Hunyo 12, 1898, sa balkonahe ng bahay ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite, ipinahayag ang kalayaan ng Pilipinas kasabay ng pagtataas ng ating pambansang watawat.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas, noong umaga ng Enero 23, 1899, matapos ang pagpapahayag ng pagkakabuo ng Malolos Constitution, pinasinayaan ang Unang Republika ng Pilipinas. Sa pangunguna ng Pangulong Emilio Aguinaldo, libong tao ang dumalo mula sa Maynila at karatig-lalawigan, kabilang ang mga taga-Rizal, upang saksihan ang makasaysayang pangyayari sa bansa. Naging parang pista sa Malolos, lalo na sa loob ng Simbahan ng Barasoain, na ang paligid ay nilagyan ng mga arkong kawayan at ng iba’t iba at makukulay na dekorasyon. Maging ang mga bahay ay sinabitan ng mga bandilang Pilipino.

Sa bahagi ng payak ngunit makahulugang mensahe ni Pangulong Emilio Aguinaldo matapos ang kanyang panunumpa, pinasalamatan at binati niya ang mga miyembro ng Kongreso ng Malolos sa pagkakabuo ng Konstitusyon,ang mga makabayang Pilipino na nagtanggol sa kalayaan, at ang buong sambayanang Pilipino sa kanilang pakikiisa, sa kanilang mga sakripisyo at sa maalab na paghahangad ng kasarinlan.

Dalawang mahalagang pangyayari ang naging dahilan kaya tumagal lamang ng isang taon at tatlong buwan ang Unang Republika ng Pilipinas. Una ay ang pagsisimula ng digmaan ng mga Pilipino at ng mga Amerikano.

Binaril at napatay ng isang sundalong Amerikano ang isang makabayang Pilipino sa panulukan ng Sociego at Silencio Streets sa Sta. Mesa, Maynila dalawang linggo matapos ang inagurasyon ng Unang Republika ng Pilipinas. Ang ikalawa ay nang madakip siya ng mga Amerikano sa Palanan, Isabela noong Marso 23, 1901. Nanumpa ng katapatan sa mga Amerikano si Pangulong Emilio Aguinaldo.

Ang Unang Republika ng Pilipinas ay isa nang makulay at mahalagang bahagi ng kasaysayan ng ating Bayang Magiliw at Perlas ng Silangan. Ang pagmamalasakit ng mga Pilipinong nagtatag nito ay isang magandang halimbawa at simulain sa paghahangad na magkaroon ng kalayaan. Maging tatak sana ito ng pagmamahal at pagkamakabayan ng mga namumuno sa ating bansa at ng kasalukuyan nating Republika. (Clemen Bautista)