APTOPIX Trump Inauguration

Sa kanyang inaugural speech nitong Biyernes, binigyang-diin ni US President Donald Trump ang polisiyang “America first”, ngunit hindi nagbigay ng partikular na detalye sa magiging posisyon ng Amerika sa mundo.

Nangako ang bilyonaryong negosyante at reality television star — ang unang presidente ng bansa na hindi nanungkulan sa anumang posisyon sa gobyerno o mataas na ranggo sa militar — na itataguyod ang “new national pride” at poprotektahan ang Amerika mula sa “ravages” ng mga bansang ayon sa kanya ay nagnakaw ng mga trabaho sa Amerika.

“This American carnage stops right here,” deklara ni Trump.

Human-Interest

26-anyos na nabaon sa ₱2M na utang, nilalayuan na raw; netizens, relate-much

Sa isang babala sa mundo, sinabi niya: “From this day forward, a new vision will govern our land. From this moment on, it’s going to be America first.”

Kasabay naman ng pagpapaabot ng pagbati ng world leaders sa bagong presidente ng Amerika, hindi maikakailang kabado ang maraming bansa sa kahihinatnan ng pamumuno ni Trump.

‘MEXICANS, UNITE’

Bagamat hindi binanggit sa talumpati ni Trump ang Mexico—na una na siyang nagbanta na magtatayo ng pader ang Amerika laban sa mga ilegal na Mexican immigrant—dahil sa “America first” ay nanawagan ang konserbatibong oposisyon na National Action Party ng “unity of all Mexicans, unity in the face of this protectionist, demagogic and protectionist speech we just heard. Unity against that useless wall, against deportations, against the blockade of investment.”

Nangangamba rin ang ilang taga-Tokyo, Japan na ang nasabing polisiya ni Trump ay magpasimula ng panahon ng populism at protectionism na makasasama sa ibang bansa.

Ang mga polisiyang magbibigay ng matinding proteksiyon sa Amerika ay tiyak na magkakaroon ng negatibong epekto sa pandaigdigang ekonomiya, kasama na ang Japan, ayon kay Akio Mimura, chairman ng Japan Chamber of Commerce and Industry.

‘IGNITING FIRES AROUND THE WORLD’

Naniniwala naman ang Chinese state-run tabloid na Global Times na kung pagbabatayan ang talumpati ni Trump, malinaw na hindi maiiwasan ang tensiyong pagkalakalan ng Amerika at China.

“Undoubtedly, the Trump administration will be igniting many ‘fires’ on its front door and around the world. Let’s wait and see when it will be China’s turn,” saad sa komentaryo ng pahayagan kahapon.

Samantala, para sa Australian na si Marek Rucinski, “very divisive” ang talumpati ni Trump at wala rin umano itong lalim.

Kabilang si Rucinski sa nasa 8,000-10,000 kataong dumalo sa anti-Trump rally na Women’s March sa Hyde Park sa Sydney kahapon.

CAMPAIGN SPEECH?

Sa Vietnam, matapos hayagang sabihin ng isang analyst na hindi inaugural kundi campaign speech ang nakadidismayang talumpati ni Trump na tumutok lamang sa Amerika, nababahala na rin ngayon ang ilang kabataang Indian na magiging pahirapan na ang pagkuha ng work visa at green card mula sa Amerika.

Samantala, ilang oras matapos ang kanyang inagurasyon ay nilagdaan agad ni Trump nitong Biyernes ang una niyang executive order na nag-aatas sa mga federal agency “[to] ease the burden” ng Obamacare ng hinalinhan niyang si Barack Obama. (AP, PNA)