KILALA ang Pilipinas sa mga kapistahan nito, na tatlo sa mga ito ang may pinakamalaking pagdiriwang ngayong Enero — ang Ati-atihan ng Kalibo sa Aklan, ang Sinulog ng Cebu City, at ang Dinagyang ng Iloilo City, na pawang nagbibigay-pugay sa Santo Niño.
Isa ang Ati-atihan sa pinakamatatandang kapistahan sa bansa. Ipinagdiriwang nito ang pagdating ng sampung datu, sa pangunguna ni Datu Puti at ng mamamayan nito mula sa Kalimantan, Borneo, sa isla ng Panay noong ika-13 siglo, kung saan tinanggap sila ng maiitim na Ati na pinangunahan ni Ati Marikudo. Magkasamang ipinagdiwang ng mga Ati mula sa kabundukan at ng mga Marayon ng kapatagan ang saganang ani sa pamamagitan ng pagsasayaw. Makaraang dumating sa bansa ang mga Espanyol noong ika-16 na siglo, ang kapistahang ito ay nagsilbing pagpupugay sa Santo Niño.
Ipinagdiriwang naman ng Sinulog Festival ng Cebu City ang pagdating ni Ferdinand Magellan sa Cebu noong 1521 at ang pagbibinyag sa 800 katutubo, sa pangunguna nina Rajah Humabon at Reyna Juana, na hinandugan ng isang Santo Niño.
Makalipas ang ilang siglo, noong 1967, ipinursige ng isang paring Augustinian ang debosyon sa Santo Niño sa parokya ng San Jose sa Iloilo matapos niyang masaksihan ang Ati-Atihan sa Aklan. Nang sumunod na taon, isang replica ng orihinal na Santo Niño ng Cebu ang dinala sa Iloilo bilang regallo sa parokya ng San Jose.
Habang ipinagdiriwang ng Visayas ang Ati-atihan, Sinulog, at Dinagyang, maraming iba pang mga bayan at siyudad sa Pilipinas ang nagbibigay-pugay din sa Santo Niño. Isang linggo makalipas ang taun-taong dinadagsang prusisyon ng Mahal na Poong Nazareno na inihahatid pabalik sa Simbahan ng Quiapo sa Maynila, ipinagdiriwang naman ng Tondo ang sarili nitong kapistahan ng Santo Niño. Ang Malolos, Bulacan ay may sarili rin nitong Santo Niño de Malolos Festival, at sa bandang katimugan sa Mindanao, naghahandog din ng sarili nilang pagpupugay sa Batang Kristo ang mamamayan ng Butuan City sa Agusan del Norte.
At tuwing Enero lamang ito. Sa mga susunod na buwan ay idaraos sa bansa ang lahat ng uri ng kapistahan na nagbibigay-pugay sa iba’t ibang santo. Sa susunod na buwan, Pebrero, ay idaraos ang isa pa sa pinakamalalaking kapistahan sa bansa, idinadaos sa Baguio City, ang Panagbenga — ang “panahon ng pamumulaklak” — na selebrasyon ng naggagandahang bulaklak sa tinaguriang summer capital ng Pilipinas.
Pilipinas din ang punong abala sa Miss Universe pageant ngayong taon, at lumilibot ang pinakamagagandang babae sa mundo sa mga ipinagmamalaking lugar sa bansa bilang paghahanda sa gabi ng koronasyon sa Mall of Asia sa Pasay City sa Enero 30. Dalawampu sa naggagandahang kandidata ang nagtungo sa Vigan City sa Ilocos Sur, at nasaksihan ng mundo kung paano nila buong pagmamalaking inirampa ang magagandang Philippine terno sa makasaysayang Calle Crisologo.
Sa nakalipas na mga buwan, nasubaybayan natin at ng buong mundo ang masalimuot na pagharap ng bansa sa matinding problema nito sa ilegal na droga. Iginiit din natin ang pag-angkin sa ilang teritoryong atin at ang malayang paninindigan natin sa mga pandaigdigang usapin. Sa ngayon, naipakita na natin sa mundo ang isa pang aspeto ng ating pagiging bansa na nagbibigay-pugay sa mga santo, nagdaraos ng mga kapistahan at kasiyahan, at determinadong ipagdiwang ang mga ito nang may labis na kaligayahan, pananampalataya at debosyon sa puso.