KUNG ang giyera kontra ilegal na droga na inilunsad ni Pangulong Rodrigo Duterte ay naghatid sa wala sa panahong pagkamatay ng mga pinaghihinalaang drug pusher at user, ang nasabing kampanya ay nagbunga naman ng kabutihan sa mga barangay sa lungsod, bayan at mga barangay sa lalawigan. Mababanggit na halimbawa ang limang barangay sa Jalajala, Rizal na ideneklarang drug free community o pamayanan. Ang Jalajala na binubuo ng 11 barangay ang huling bayan sa eastern Rizal. Nasa pagitan ng bundok at ng Laguna de Bay. Palibhasa’y isang tahimik at malinis na bayan, ang Jalajala ay tinawag na Paraiso ng Rizal.

Ang pagiging drug free ng limang barangay sa Jalajala ay resulta ng pakikiisa ng kampanya kaugnay ng Anti-Illegal Drug Plan na mas kilala sa tawag na “Project Double Barrel” ng Philippine National Police. Ang limang barangay na drug free sa Jalajala ay ang Barangay Lubo, Pagkalinawan, Bagumbong, Palaypalay, at Third District.

Sa “Oplan Tokhang” ng Jalajala PNP, may pitong pinaghihinalaang drug pusher ang naitumba at umaabot naman sa 353 drug pusher at user suspect ang sumuko. Sa ngayon, patuloy pa rin ang kampanya kontra droga.

Ayon kay Police Chief Inspector Joseph Macatangay, hepe ng Jalajala Police, ang naging batayan ng pagiging drug free ng limang barangay ay ang walang shabu laboratory, walang marijuana at shabu plantation, walang drug pusher at walang shabu den. Ang Jalajala Police ay nagsagawa rin ng drug clearing operation sa nasabing mga barangay sa pamamagitan ng Oplan Tokhang, pagbibigay-payo sa mga sumukong drug user at pusher, pagdakip sa mga drug personality at paglansag sa mga illegal drug activity.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang Barangay Pagkalinawan at Batangay Lubo ay ideneklarang drug free noong Oktubre 24, 2016. Ang Barangay Bagumbong ay noong Disyembre 19, 2016. Ang Barangay Palaypalay at Barangay Third District ay nitong Enero 9, 2017.

Ang kampanya kontra droga sa Jalajala ay sinuportahan ng Municipal Drug Abuse Council (MADAC) na ang chairman ay si Jalajala Mayor Ely Pillas. Sa limang barangay na ipinahayag na drug free community, ang MADAC ay bumuo ng resolusyon (Resolution 2016-010) at bilang insentibo ay nagkaloob ng tig-P40,000 in kind. Binubuo ng mga sports equipment na magagamit sa physical activity.

Bumuo rin ng house cluster sa mga sitio. Ang sitio leader ng bawat barangay ay may buwanang incentive na P500 batay sa Resolution 2016-02 ng MADAC.

Sa patuloy na suporta ni Jalajala Mayor at MADAC chairman Ely Pillas, ng Sangguniang Bayan at ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) chairman at ng Barangay Drug Clearing Operation ng Jalajala PNP, ang mga plano kaugnay ng kampanya at programa kontra droga ay nagbunga ng pagbaba ng mga illegal drug activity sa Jalajala. (Clemen Bautista)