Hinamon ni Senator Francis Pangilinan ang pamunuan ng Facebook na humarap sa Senado at magpaliwanag kaugnay ng patuloy na pagkalat ng mga pekeng balita sa nasabing website.
“Tinanggap ng Facebook na alam nitong gusto ng mga tao ang tamang impormasyon. Ibig nating malaman kung paano ito ginagawa dahil hanggang ngayon, naaabuso pa rin ang platform na ito ng mga nagpapakalat ng pekeng balita,” sambit ni Pangilinan.
Noong Miyerkules, naghain ng resolusyon, Philippine Senate Resolution 271, ang pangulo ng Liberal Party na nag-uutos sa mga komite ng Senado na magsagawa ng imbestigasyon kung paano maaaring pagmultahin ang Facebook dahil hindi nito napipigilan ang paglaganap ng mga pekeng balita.
Sa pahayag nito sa media, sinagot ng Facebook ang senador at sinabing matagal na nitong inaaksiyunan ang mga pekeng balita bagamat inaming marami pa itong kailangang gawin. (Leonel M. Abasola)