NAPAGITNA na naman ang Malacañang press office sa pamilyar na sitwasyon na pinabubulaanan ang mga ulat ng media tungkol sa talumpati ng Presidente, nag-akusa ng “inaccurate reporting” sa mga komento ni Pangulong Duterte tungkol sa batas militar na inilahad nito sa harap ng mga miyembro ng Davao City Chamber of Commerce.
Sinabi ng Pangulo: “If I wanted to — and it will deteriorate into something really very virulent — I will declare martial law. No one can stop me. My country transcends everything else, even the limitations.”
Iniulat ng media, kabilang ang mga mamamahayag sa ibayong dagat, na ikinokonsidera ng Presidente ang pagpapairal ng batas militar kaugnay ng digmaan laban sa ilegal na droga.
Para sa isang bansang labis na nagdusa sa masalimuot na panahon ng batas militar na nagsimula noong 1972, ang mga bagong pahayag ng Pangulo tungkol sa martial law ay labis na ikinabahala ng marami. Sa isang panayam sa telebisyon noong Disyembre 29, 2016, sinabi niyang hinding-hindi siya magdedeklara ng batas militar, dahil magiging dahilan lang ito ng pagkapinsala ng bansa. Nauunawaan niyang alinsunod sa Konstitusyon, maaari lamang ideklara ang batas militar “in case of invasion or rebellion when the public safety requires it.” Sinabi niyang magdedeklara siya ng martial law laban sa isang bansang mananakop, ngunit hindi kontra sa sarili niyang bansa.
Ito ang mga pahayag ng katiyakan, ngunit makalipas ang dalawang linggo, binanggit ng Pangulo sa Davao ang kahandaan niyang magdeklara ng batas militar kung magiging “very virulent” ang problema ng bansa sa droga. Natural lang na magiging malaking balita ang bagong pahayag niyang ito. Ngunit iginiit ng Malacañang press ang “inaccurate
reporting.”
Hinimok ng ilang senador, sa pangunguna ni dating Senate President Franklin Drilon at ni Senate Minority Leader Ralph Recto, ang Pangulo na tigilan na ang pagpapahayag ng kahit ano tungkol sa martial law, dahil nagdudulot lamang ito ng matinding takot at pangamba sa mamamayan.
Gayunman, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson: “It’s one of those rhetorics that we should get ourselves used to by now.
It’s prudent to just wait for his spokespersons to interpret or clarify first.” At nilinaw nga ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang nasabing pahayag kalaunan, ikinatwirang “it was just an expression of anger from the President.
He was exasperated by the continuous illegal drug operations in the country despite intensified efforts by the government.” Nitong Miyerkules, sinabi ng mismong Pangulo na walang matinding dahilan upang magpairal siya ng batas militar sa kasalukuyan.
Umaasa tayong ang mga paglilinaw at pahayag na ito mula sa Presidente at sa mga opisyal na nakakikilala sa kanya ay makatutulong upang mapawi ang pangamba ng maraming Pilipino laban sa pagdedeklara ng batas militar sa ngayon.