Pinagsasaksak ng isang lalaki ang binatang ayaw umano niyang makita ang pagmumukha sa Paco, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kaagad namang isinugod sa ospital si Cholo Silverio, 23, binata, at residente ng 1227 Santiago Street, Paco, Maynila, matapos pagsasaksakin ni Carlos Lamadrid, 39, ng 1238 Santiago St., Paco.

Sa ulat ni Police Supt. Romeo Desiderio, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 7:30 ng gabi nangyari ang pananaksak.

Patungo umano sa isang grocery store si Silverio nang makita si Lamadrid na nakatayo malapit sa tindahan.

Arnie Teves, isinugod sa ospital

Nang makita umano ni Lamadrid si Silverio ay kaagad itong sinigawan na huwag nang ipapakita ang kanyang pagmumukha sa naturang lugar.

Nagbanta pa umano si Lamadrid na masasaktan si Silverio kapag muli nitong nakita ang pagmumukha ng huli sa naturang lugar.

Hindi naman umano pinansin ng biktima ang suspek at sa halip ay umuwi na lamang.

Maya-maya pa’y bigla na lang umanong sinugod ng suspek ang biktima at pinagsasaksak bago mabilis na tumakas.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad si Lamadrid. (Mary Ann Santiago)