BAGO magtapos ang 2016, inihayag ng Department of Health (DoH) na balak ng kagawaran na mamahagi ng mga condom sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan. Ang pamamahagi ng libreng condom ay bahagi ng “business unusual strategy” ng DoH. Bukod dito, isa sa pangunahing layunin, ayon sa paliwanag ni DoH Secretary Paulyn Ubial, na maiwasan ang pagkalat ng HIV o immunodeficiency virus sa bansa. Hinikayat din ang mga magulang na turuan ng safe sex ang kanilang mga anak bilang isa sa mga paraan upang mapigilan ang nasabing sakit.
Kapag naipaliwanag na sa Department of Education (DepEd), ayon kay Secretary Ubial, ipamamahagi na nila ang mga condom. Gagawin ito ng DoH sa susunod na school year o sa darating na Hunyo 2017. Paliwanag ng DoH, mula noong 1984 hanggang Oktubre 2016, ay aabot na sa 38,114 ang naitalang kaso ng HIV. At mula naman noong 2011, umaabot na sa 10,279 ang mga biktima na nasa edad 15 hanggang 24.
At sa pahayag ni Health Secretary Ubial kamakailan, umaabot sa 20 kada araw ang naitatalang biktima ng HIV.
Ang balak ng DoH na pamamahagi ng condom sa mga mag-aaral ay nagbunga ng matinding batikos sa marami nating kababayan. Halos nagkakaisa sila sa pagsasabing isang malaking kaungasan ang plano ni Secretary Ubial. Sa pamamahagi ng condom sa mga mag-aaral, parang itinulak sila sa araw-araw na pakikipagtalik. Mapupusok o agresibo ang mga mag-aaral. Sa panggigigil at kapusukan, baka hindi rin gamitin ng marami ang condom. Tiyak, lalong dadami ang bilang ng teenage pregnancy o mga tinedyer na lomobo ang tiyan tulad ng pinalobong condom.
Kontra din ang Simbahan sa isyu ng pamamahagi ng condom sa mga mag-aaral. Mauuwi umano ito sa maagang pakikipagtalik.
Mag-aakasaya lamang umano ng pera ang gobyerno sa pagbili ng mga condom kung hindi naman makikipag-sex ang mga estudyante.
Ayon naman kay Senate Majority Leader Tito Sotto III, ang pamamahagi ng condom sa mga mag-aaral ay tila pagbigay ng patalim upang manaksak o magtulak sa pakikipag-sex. Dapat umanong basahing mabuti ni Secretary Ubial ang isinasaad ng RH Law.
Ayon pa kay Senador Sotto: “It’s a boomerang to her (Secretary Ubial). She should not impose her beliefs on us who oppose. It would be insensitive to dismiss the sentiment of a conservative culture just because they failed to implement effective health programs”. Sinabi pa ng senador na mabuti pang gawin ng DoH ay maglunsad ng malawak na information at education campaign upang maiwasan ang teenage pregnancy at pagkalat ng HIV sa mga kabataan.
Binuweltahan naman ni DoH Secretary Ubial ang mga bumabatikos at kritiko sa balak na pamamahagi ng condom sa mga mag-aaral. Ayon kay Secretary Ubial, ang mga kontra sa plano ng DoH ay dapat sabihin kung paano mababawasan ang paglaganap ng STI o sexually transmitted infections sa mga kabataan. Ang mga Pilipino ay kailangang hayaan sa ligtas na pakikipagtalik ayon sa kanilang sariling mga paniniwala at konsensiya. Ang condom ay hindi ipamimigay na parang mga candy. Gagawin ito na tutok ang pamamahala at pagpapayo. (Clemen Bautista)