Ilang araw pa lamang matapos ideklara na sa Pilipinas gaganapin ang 65th Miss Universe, kasunod na nito ang usap-usapan tungkol sa mga pinoy at banyagang magtatanghal sa kinapapanabikang Miss Universe Premier at Coronation Night.
Matagal-tagal ding isinekreto sa publiko ang tungkol sa isyung ito at ngayon nga ay opisyal nang naglabas ng anunsiyo ukol dito. Dadalo at magtatanghal sa inaabangang event ang Hollywood rapper na si Flo Rida. Ang anunsiyo ay naunang ipinahayag ng rapper sa kanyang instagram post kahapon (manila time) at kasunod namang kinumpirma ng Miss Universe Organization sa kanilang facebook page.
“Excited to announce that I will be performing at #MissUniverse premiering Sunday, January 29 on @foxtv!,” caption ni Flo Rida sa kanyang post.
Hindi ito ang unang pagkakataong magtatanghal sa Pilipinas si Flo Rida dahil nagsagawa na ito ng concert sa bansa noong Setyembre 2010.
Dahil kapana-panabik talaga ang magaganap sa kabuuan ng event, hindi lamang ng pagrampa ng mga naggagandahang kandidata, inaasahan din ng mga beauty pageant fanatics na sunud-sunod ng isasapubliko ng Miss Universe Organization ang mga primyadong performer, lokal man o internasyonal, na magtatanghal sa pinakamalaking pageant sa buong universe.
(Dianara T. Alegre)