DAVAO CITY – Naalarma ang awtoridad nang apat sa 23 Syrian na lulan sa cargo vessel na M/V True Faith na dumaong sa Barangay Buhisan sa Tibungco, Davao City ang matuklasang kapangalan ng mga teroristang nasa security watchlist ng gobyerno, ayon sa isang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI)-Region 11.

Gayunman, sinabi ni NBI-11 Director Atty. Arnold A. Rosales sa isang panayam na kaagad namang nalinis ang pangalan ng apat sa isinagawang imbestigasyon ng ahensiya makaraang matuklasang iba ang kaarawan, fingerprint, at iba pang impormasyon sa biometrics ng mga ito kumpara sa mga terorista.

Sinabi ni Rosales na naalarma ang awtoridad nang dumating ang barko sa Davao City nitong Enero 13, o dalawang araw makaraang ilunsad ang pangangasiwa ng Pilipinas sa ASEAN 2017 sa SMX Convention Center Davao nitong Linggo.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Masusi ring hinalughog ang barko, at walang nakitang kontrabando rito.

Naka-consign sa Bonjourno Trading na nasa Maynila at may sangay sa Davao City, inaasahang matatapos ang pagdidiskarga nito ng kargamento sa Linggo.

Gayunman, nakatukoy ang awtoridad ng ilang kahina-hinalang impormasyon tungkol sa barko, na 12 araw na nagpalutang-lutang sa Cagayan de Oro City bago naglayag patungong Davao City nitong Enero 11.

Dahil dito, inirekomenda ng NBI-11 ang non-issuance ng shore pass sa mga tripulanteng Syrian na nangangahulugang hindi maaaring bumaba ang mga ito mula sa barko, alinsunod na rin sa matinding seguridad na ipinatutupad sa rehiyon.

(Antonio L. Colina IV)