MAAARING isang panaginip lamang ang hangarin na ang Nueva Ecija ay magiging Buffalo Dairy Capital ng bansa. Subalit naniniwala ako na ito ay maisasakatuparan lalo na kung iisipin na ang Philippine Carabao Center (PCC) ay matatagpuan sa Science City of Muñoz ng naturang lalawigan; ito ang tahanan ng daan-daang kalabaw na napagkukunan ng gatas na lubhang kailangan sa pagpapaunlad ng carabao milk industry.

Noong pinasinayaan ang PCC, maraming taon na rin ang nakalilipas, naging bahagi tayo ng mga nagsusulong upang ito ay maging sentro ng palahian, paanakan kundi maging gatasan din ng mga kalabaw. Ang kalabaw ng mga magsasaka ay maaaring palahian sa mga foreign breed upang lalong lumakas at sumigla ang mga ito sa pagbibigay ng malusog at maraming gatas.

Sa gayon, madadagdagan ang kanilang kinikita at may sapat na supply para sa kanilang pamilya. Sa kalaunan, uunlad ang ating carabao milk industry na lubhang kailangan sa paggawa ng pastillas, kesong puti at iba pang produkto na maipagbibili sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ang ganitong mga pagsisikap ay natitiyak kong bahagi ng mga programa na inilalatag ng PCC na pinamumunuan ni Acting Executive Director Arnel Del Barrio. Katunayan, ngayong taon lamang ay kakayaning maabot ng lalawigan ang 1.5 milyong litro ng gatas ng kalabaw; sisikapin din nitong maabot ang dalawang milyong litro ng gatas sa susunod na taon. Simula noong 2013 hanggang 2015, sinasabing umaabot na sa 7.2 milyong litro ng gatas ng kalabaw ang nagmula sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Kailangang pag-ibayuhin ng PCC ang pagsisikap na magkaroon ng sapat na carabao milk supply na makatutulong nang malaki sa mga magbubukid.

Wala akong makitang dahilan upang ang ganitong pagsisikap ay hindi suportahan ng iba’t ibang sektor ng sambayanan lalo na ng mga kinaroroonan ng mga ginagatasang kalabaw.

Marapat ding maging gabay dito ang pamunuan ng ating lalawigan na pinangungunahan ni Gov. Cherry Umali. Dapat lamang niyang suportahan ang mga programa ng PCC hindi lamang sa pagpaparami ng mga kalabaw na magagatasan kundi magagamit din sa pagsasaka. May kabuluhan pa rin ang naturang mga hayop sa kabila ng implementasyon ng mechanized farming sa mga bukirin.

Kasabay nito, marapat ding ipatupad ng liderato ng lalawigan ang mahigpit na pagbabawal sa pagkatay ng mga kalabaw maliban lamang kung ang mga ito ay hindi na pakikinabangan. Ang nasabing mga hayop na dapat manatiling kaagapay ng mga magsasaka na tinaguriang mga gulugod ng bansa.

Sa ganitong magkakasamang pagsisikap, hindi malayo na ang ating lalawigan ay tanghaling Buffalo Dairy Capital ng bansa; bukod pa sa pagiging ‘rice granary’ nito. (Celo Lagmay)