BIÑAN CITY, Laguna – Apat na katao ang napatay at isa pa ang nasugatan makaraan silang pagbabarilin ng apat na hindi nakilalang suspek habang nagkukuwentuhan sa harap ng isang paaralang elementarya sa Barangay Canlalay sa Biñan City, Laguna, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Supt. Serafin F. Petalio, hepe ng Biñan City Police, ang mga nasawi na sina Arnel V. Barce, 17, estudyante; Darwin M. Villareal, 18, estudyante; Rico P. Laserna, 32, service crew; at Mark Robin V. Ignacio, 27, pawang taga-Maribel Subdivision sa Bgy. Canlalay. Nagpapagaling naman sa ospital ang nasugatang si Ranel V. Barce, 18, estudyante.
Ayon sa report, bandang 12:10 ng umaga kahapon at masayang nagkukuwentuhan ang limang biktima nang lapitan sila ng mga armadong suspek.
Sa gulat, nagpulasan ang lima kaya hinabol sila at malapitang pinagbabaril ng mga suspek.
Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa pamamaril.
Gayunman, may nakuhang impormasyon ang awtoridad na tatlo sa mga nasawi ay mga itinuturing na siga sa kanilang lugar at madalas umanong nangha-harass ng mga dumadaan, lalo na kapag madaling-araw, habang may impormasyon din na nag-uugnay sa mga ito sa droga, ayon sa pulisya.
Nakarekober ang pulisya ng 13 na gamit nang cartridge ng .9mm caliber at dalawang basyo ng hindi pa batid na kalibre ng baril. (Danny J. Estacio)