LeBron James

CLEVELAND (AP) – Umulan ng three-pointer sa Quicken Loans Arena sa dominanteng 118-103 panalo ng Cleveland Cavaliers laban sa Phoenix nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Hataw si Kyrie Irving sa naiskor na 26 puntos mula sa 10-of-20 sa field, kabilang ang dalawa sa 19 three-pointer na naisalpak ng Cavaliers para makamit ang ika-30 panalo sa 41 laro.

Limang Cavs ang kumana ng dalawa o higit pang three-pointer, sa pangunguna ni Iman Shumpert na may limang tres. Kumana ng tig apat na three-pointer sina Channing Frye at James Jones.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Nanguna sa Phoenix sina Eric Bledsoe at Tyson Chandler na may tig-22 puntos.

Kumubra naman si LeBron James ng 21 puntos, 15 assist at siyam na rebound.

SPURS 118, NUGGETS 104

Sa AT&T Center, nagdiwang ang home crowd sa matikas na panalo ng San Antonio Spurs kontra Denver Nuggets.

Nanguna si Kawhi Leonard sa Spurs sa naiskor na 34 puntos, sapat para maibsan ang kakulangan sa player bunsod nang injury kina Tony Parker at Pau Gaso.

Kumamada naman ang replacement player na sina Dejounte Murray sa naiskor na 24 puntos at David na tumipa ng 10 puntos at 16 rebound.

Mula sa dikit na 59-58 bentahe sa first half, nagbaba ang Spurs ng 22-6 blitz para hilahin ang bentahe sa 17 puntos.

WIZARDS 113, KNICKS 110

Sa Madison Square Garden, naisalpak ni John Wall ang magkasunod na basket sa krusyal na sandali para sandigan ang Washington Wizards laban sa New York Knicks.

Tangan ng Washington ang 14 puntos na bentahe sa kalagitnaan ng final period, ngunit nakabangon ang Knicks sa pangunguna ni Carmelo Anthony na tumipa ng game-high 34 puntos.

HEAT 99, MAVS 95

Sa Miami, pinutol ng Miami Heat, sa pangunguna ni Goran Dragic na tumipa ng 32 puntos, ang three-game winning streak ng Dallas Mavericks.

Naghabol sa 73-70 papasok sa fourth quarter, ratsada ang Miami sa 12-2 run para agawin ang bentahe at magpakatatag sa krusyal na sandali.

Nanguna si Dirk Nowitzki sa Dallas (14-28) sa naiskor na 19 puntos, habang tumipa ng tig-18 puntos sina Wes Matthews at Harrison Barnes.