KASABAY ng taimtim na pakikinig sa talumpati ni Pangulong Duterte, kapuna-puna ang palakpakan ng sambayanan kapag may naisasalit na pagmumura, tulad ng naganap kamakalawa sa Cabanatuan City, Nueva Ecija. Palasak din ang ganitong eksena sa nakaraang mga okasyon sa iba’t ibang panig ng kapuluan at maging sa ibang bansa na kanyang pinatunguhan.
Sabi nga ng isang kapatid sa propesyon sa isang media forum: Ang pagmumura, at pagbigkas ng iba pang mahahayap na salita ay bukambibig na lamang ng Pangulo at nagiging musika naman sa pandinig ng mga mamamayan. Bahagi na ito ng kanyang istilo na tila hindi na kukupas na nakakasanayan naman nating pakinggan.
Kung hindi ako nagkakamali, ang ganitong istilo ng Pangulo ay hindi naglalayong manakot ng sinuman. Manapa, gusto niyang sukatin ang pakikiisa ng sambayanan tungo sa paglutas ng nakababahalang mga problema na gumigiyagis sa lipunan, tulad nga ng paglipol sa mga user, pusher at drug lords; kabilang na rito ang mga katiwalian at sugal. At ito ay tiyak na ipagpapatuloy niya hanggang hindi napupuksa ang pinakahuling adik at mga tiwali sa gobyerno.
Naniniwala ako na ang naturang istilo ay sinasadya rin ng Pangulo sa kanyang hangaring magkaroon ng matatag at sariling patakarang panlabas ang Pilipinas na hindi dapat panghimasukan ng ibang lahi. Ito marahil ang dahilan kung bakit mistulang pinaliliguan niya ng pagmumura ang ibang bansa na nakikialam sa sistema ng kanyang pamamahala, kabilang na rito ang European Union (EU), United States (US) at iba pa. Laging kinokondena ng naturang mga bansa ang sinasabi nilang talamak na paglabag sa karapatang pantao at ang walang patumanggang pagpatay o extrajudicial killings (EJK) kaugnay ng pagpuksa sa illegal drugs.
Subalit isang malaking kabalintunaan na ang EU – isang bansa na hindi nakaligtas sa pagmumura ng Pangulo – ay nag-alok ngayon ng tulong sa rehabilitasyon ng mga sugapa sa droga bilang bahagi ng maigting na kampanya ng administrasyon laban sa kriminalidad.
Sa halip na manuligsa, tahasang sinabi ni EU Ambassador to Manila na si Franz Jessen na ang milyun-milyong dolyar na inilalaan nito sa health sector ng Pilipinas ay iuukol na lamang ngayon sa rehabilitasyon ng mga lulong sa droga.
Maging ang US na nauna nang pinagmumura ng Pangulo ay nangako ngayon ng suporta sa Pilipinas sa larangan ng maritime security, law enforcement at pagpapaunlad ng Mindanao bilang bahagi ng pagpapatatag ng bilateral relations ng dalawang bansa. Magugunita na sa panghihimasok ng US sa administrasyon, tinuldukan ng Pangulo ang pananatili ng US troops sa ating teritoryo. Ang US support ay tiniyak ni Ambassador to PH Sung Kim.
Hindi ba ang naturang kasiya-siyang sitwasyon ay bunga ng pagmumura ng Pangulo? Pagmumura na naging musika sa kanilang pandinig? (Celo Lagmay)