MARAWI CITY – Anim na bayan na sa Lanao del Sur, kabilang ang mabababang lugar sa Marawi City, ang nalubog sa baha dulot ng walang tigil na pag-uulan sa lalawigan simula nitong Lunes.

Nagpadala sina Lanao del Sur Gov. Soraya Alonto-Adiong at Marawi City Mayor Majul Gandamra ng magkahiwalay na grupo ng mga emergency relief worker upang magkaloob ng paunang ayuda, tukuyin ang lawak ng pinsala ng baha, at magpatupad ng komprehensibon rehabilitasyon, sinabi kahapon ng mga lokal na disaster risk reduction and management official.

Pinabiyahe na rin nitong Martes at Miyerkules ang ilang truck na punumpuno ng relief goods patungo sa mga bayan ng Ramain, Taraka, Kapai, Poona-Bayabao, Maguing at Balabagan, kung saan libu-libong residente ang napaulat na apektado ng baha, ayon kay Jayna Salma Tamano, information officer ng pamahalaang panlalawigan.

Sa paunang taya ng awtoridad, nasa P10 milyon ang naging pinsala ng baha sa sektor ng agrikultura.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

At bagamat humupa na ang baha sa mga apektadong munisipalidad, napaulat na matindi ang pagbabaha sa bayan ng Maguing, kung saan ipinasara ng gobyerno kamakailan ang tatlong sawmill dahil umano sa pamumutol ng mga puno sa mga protektadong watershed ng Lake Lanao.

Sa Marawi, nalubog din sa baha ang ilang barangay, partikular ang nasa mabababang lugar sa paligid ng Mindanao State University main campus.

Sinisi naman ng relief worker ang hindi maayos na pagtatapon ng basura ng mga tagalungsod sa matinding baha, sinabing nababarahan ng makapal na basura ang mga kanal at iba pang daluyan sa siyudad. (Ali G. Macabalang)