ACCIDENTAL ang pag-aartista ni Jerene Tan, na introducing ngayon sa pelikulang Across The Crescent Moon na pinagbibidahan ni Matteo Guidicelli at napapanood na rin sa TROPS youth-oriented series ng GMA-7.
Hindi niya binalak na mag-artista kahit may inborn affinity siya sa arts. Maliit pa nang mapansin sa school na mahilig siyang sumayaw, kaya pinakuha ng ina ng dancing lessons at simula noon palaging panalo sa competitions hanggang ibang bansa. First year high school pa lang nang maging cheer captain siya, at second year naman nang ma-elect na Sanggunian Kabataan chairman sa barangay na nakakasakop sa village nila sa Pasig.
“Lagi po akong nire-remind ng parents ko na ‘huwag kang maging dancer, ha, huwag kang maging dancer!’ Kasi nga business people, iniisip po siguro nila kung ano naman ang magiging trabaho ko pagdating ng araw,” kuwento ni Jerene nang ipakilala ng Jams Artist Production sa ipinatawag na solo press conference para sa kanya.
Pero hinihila talaga siya ng entertainment industry. Habang nasa nasa college, in-offer-an siyang maging member ng isang sikat na dancing group (na tinanggihan niya) at naging junior DJ sa Monster Radio RX 93.1.
Kahit pinaiiwas sa linya ng arts, wala namang pressure sa kanya para tumulong sa kompanya ng parents niya o kumuha ng kursong mapapakinabangan sa negosyo nila. Kaya kahit umiwas sa communications course, nangarap kasi siyang maging newscaster, nasunod pa rin ang isa pang gusto niya, kumuha siya ng Psychology sa La Salle, at kagagradweyt lang, sa edad na 20.
Palibhasa handang-handa nang sumali sa work force at maging productive, fate na mismo ang kumabig sa kanya papunta sa show business.
“Nag-post kasi sa Facebook ang friend ko kung may kikay girl daw na gustong mag-audition for a movie, at may talent fee raw. Alam n’yo naman ang mga tulad kong laki sa Chinese family, basta mapagkakakitaan, walang pinapalampas. So, siyempre interesado agad ako,” natatawang kuwento ng newcomer.
“Tinanong ko ang friend ko kung ano ang requirements, dapat daw marunong umarte. Naku, sabi ko, wala akong alam sa acting! Pero kung kikay girl lang naman ang role, ‘di ko na kailangang umarte.”
Hindi kataka-taka na blogger din siya (www.tanjerene.com). Dahil natural storyteller si Jerene. Sa katunayan, sa loob ng halos isang oras, panay ang hagikhikan ng entertainment editors na hinarap niya. Walang ka-effort-effort, naaliw ang lahat sa kanyang monologue.
“For 22 minutes, tuluy-tuloy, ha?” amused na puna ni Jojo Panaligan ng Manila Bulletin sa sagot ni Jerene sa tanong niya sa background at kung paano ito nakapasok sa showbiz.
Ang trabaho namin, may hawig din sa description ni Forrest Gump sa buhay sa kabuuan. “Life is like a box of chocolates...” Dahil hindi ka sigurado kung ano ang mapupulot mo sa coverages o press briefings. Pero paminsan-minsan, may pleasant surprises at pakikipagkilala sa mga baguhan na loaded ng talent.
At ang pakiramdam kapag may katulad ni Jerene, wala sigurong pagkakaiba sa miners na nakatagpo ng gold vein.
Kung mabibigyan ng tamang projects, at kung makikilala rin ng publiko ang Jerene Tan na humarap sa amin nitong nakaraang Miyerkules, walang duda na mas marami pa siyang mapapasaya. (DINDO M. BALARES)