STO. TOMAS, Batangas – Isang sabungan na nagsusulong ng debosyon sa Divine Mercy? Posible. At may ganitong lugar sa Marinduque na mismong obispo ang nagpahintulot.
“I believe my diocese is the only diocese in the Philippines where the Divine Mercy is being promoted in a cockfighting arena,” sinabi ni Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit sa mga dumalo sa Fourth World Apostolic Congress on Mercy (WACOM) sa Sto. Tomas, Batangas.
Kuwento niya, tinanong siya ng babaeng may-ari ng sabungan, isang deboto ng Divine Mercy, kung maaari nitong i-promote ang sariling debosyon sa lugar at pumayag siya.
“Sinabi niya sa akin, ‘Pupuwede rin po ba akong maglagay ng imahen ng Divine Mercy sa sabungan?’ Ang sabi ko sa kanya, ‘Oo, binibigyan kita ng permiso’,” kuwento pa ni Maralit.
Sa sumunod na pagbisita ng obispo sa lugar, sinabi niyang muli siyang nilapitan ng may-ari ng sabungan at humingi ng permiso upang makapaglagay ito ng bell para sa pananalangin tuwing alas tren ng hapon.
Sinabi ni Maralit na muli niyang pinahintulutan ang ideya.
“Nabigla ako, dahil sa araw-araw na may sabong doon ay tumitigil sila tuwing alas tren ng hapon. Lahat ng nasa sabungan ay nagdarasal,” ani Maralit.
Gayunman, sinabi ni Maralit na inamin niya sa may-ari ng sabungan na ipinananalangin niyang isang araw ay magsara na ang sabungan.
“Sinabi ko sa kanya na ipinagdadasal na ko na magsara na ang sabungan,” sabi ni Maralit. “Ngunit sa mga oras na ito, nagdarasal ako na matulungan niya ako na ma-convert ang lahat ng nagsasabong doon.” (Leslie Ann G. Aquino)