NANG mistulang utusan ng ilang mambabatas ang Department of Public Works and Highways (DPWH) upang ito ay magpagawa ng mga restroom o kubeta sa gilid ng mga highway, natitiyak ko na ang naturang proyekto ay labis na ikinagalak ng mga motorista. Kung maisasakatuparan, malaking kaginhawahan ito para sa mga pasahero, lalo na sa katulad naming mga senior citizen na maya’t maya ay naghahanap ng kasilyas o palikuran sa panahon ng mahabang pagbibiyahe.
Hindi problema sa DPWH ang pagpapatayo ng naturang mga proyekto, lalo na kung isasaalang-alang ang malaking badyet nito para sa kasalukuyang taon. Kailangan lamang tiyakin ng nasabing ahensiya ang pangangalaga sa kalinisan ng mga palikuran; mahalaga ang permanenteng water supply o running water upang hindi ito makapagpalubha sa problema sa air pollution dahil sa hindi kaaya-ayang simoy ng hangin na magmumula sa maruruming restroom. Natitiyak ko na bastante o sapat ang mga tauhan ng nasabing ahensiya ng gobyerno upang magampanan ang gayong misyon.
Ang nabanggit na proyekto, kung matutuloy, ay hindi dapat matulad sa mga urinal na ipinatayo ng pangasiwaan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) noong dekada ‘90. Daan-daang urinal ang inihanay noon sa iba’t ibang lansangan sa Metro Manila, lalo na sa mga lugar na madalas daanan ng mga pedestrian. Subalit isa man sa mga ito ay hindi nalagyan ng running water at pinag-ukulan ng wastong pangangalaga; nagmistulang mga basurahan at pinagmulan ng masangsang na simoy ng hangin. Pinangambahan ito noon na maging sanhi ng epidemya ng iba’t ibang sakit. Mabuti na lamang at hindi naglaon, ang naturang mga urinal, na lagi nating sinasabi noon na produkto ng hilaw na lohika, ay tuluyang pinaggigiba.
Tulad ng lagi nating sinasabi, ang mga palikuran, lalo na ang nakatayo sa mga paliparan, ay kailangang laging malinis; hindi dapat alibadbaran ang sinumang gagamit nito. Ang maayos na pangangalaga sa mga ito ang malimit na nagiging barometro ng mga dayuhang pasahero, lalo na ng mga turista, kung anong uri ng airport mayroon tayo. Ito marahil ang naging batayan nang minsang tagurian ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang “the worst airport in the world”.
At lagi rin nating ipinahihiwatig na hanggat maaari, ang mga palikuran ang dapat na pinakamalinis na bahagi ng ating tahanan. Maaaring tulugan, wika nga, upang hindi ito pamugaran ng mga bagay na maaaring maging sanhi ng karamdaman.
Sana ay maging mensahe ito sa mga magtatayo ng restroom sa mga highway upang matiyak ang wastong pangangalaga sa kalinisan para sa kapakinabangan ng mga motorista at pasahero. (Celo Lagmay)