Nais ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na palawigin pa hanggang Hunyo ang ipinatutupad na “no-window hours” policy sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA officer-in-charge (OIC) at General Manager Tim Orbos, malaki ang naitulong ng nasabing polisiya para maibsan ang problema sa trapiko.
Sa ilalim ng no-window hours policy, bawal lumabas sa EDSA at sa C5 ang mga coding na sasakyan mula 7:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi.
Matatandaang sinimulan itong ipatupad ng MMDA noong Nobyembre para sa holiday season.
Samantala, ayon kay Orbos, magsasagawa ng dry run ang MMDA para sa bubuksang zipper lane sa EDSA mula sa main avenue sa Cubao hanggang sa Ortigas, ganap na 9:00-11:30 ng umaga bukas, Enero 20. (Bella Gamotea)