SA Malacañang na kaharian ni Pangulong Rodrigo Duterte, pinulong niya ang 1,000 alkalde at pinagsabihan silang tumulong sa kanyang giyera sa ilegal na droga.

Nakiusap din si Mano Digong sa mga mayor na kung sila’y may kinalaman o nakapatong sa illegal drugs sa kani-kanilang bayan, makabubuting tumigil na dahil sila’y ipakukulong at baka may masama pang mangyari. Nais ipahiwatig sa pahayag na ito na baka sila matulad kay Albuera (Leyte) Mayor Rolando Espinosa, ama ng umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa, na napatay ng mga pulis habang nakakulong sa Baybay sub-provincial jail sa Leyte.

Tameme lang ang mga alkalde habang “nagsesermon” si President Rody at hawak-hawak ang makapal na papeles na kinalalagyan ng pangalan ng mga punong-bayan. Masidhi at parang obsesyon na ni PDu30 ang paglaban sa illegal drugs na ayon sa mga balita ay mahigit na sa 6,000 pusher at user ang napapatay ng mga tauhan ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa. May mga nagtatanong kung ilan naman kaya ang big-time shabu suppliers at drug lords ang naitutumba.

Sa Palasyo ng Malacañang, wala kahit isa mang mayor ang tumayo upang magtanong sa Pangulo. Wala ring nangahas kung siya ay kasama sa listahan ng “narco mayors” o kaya’y ipaalam sa machong Presidente na sa kanyang bayan ay walang illegal drugs. Wala silang imik at parang maaamong tupa sa harap ng isang mabangis na leon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Noong isang linggo, ang pinagsabihan naman ni PDu30 ang mga gobernador na kung tawagin ay “narco govs”. Nais din niyang pulungin ang mga provincial governor at bantaan na kung hindi sila titigil sa illegal drug trade, sila ay potensiyal na target sa ambush o kaya’y baka lasunin ng kanilang mga chief of police. May 81 gobernador sa buong Pilipinas at hangad niyang kausapin sila tungkol sa matinding kampanya laban sa illegal drug trade.

Batay sa kanyang impormasyon, mahigit umano sa 5,000 gov’t officials, kabilang ang police officers, ang kasama sa “narco list” na hawak niya. Sa listahang iniingatan niya ay naroroon ang 2,000 barangay captains, mayors, governors at kongresista, ilang hukom na may koneksiyon umano sa drug syndicates. Banta niya sa mga governor: “Do not be complacent with me, sons of b****. I will really kill you. Believe me, I will find you and ambush or I’ll poison you.”

Sa puntong ito, maraming netizen at maging ang publiko ang nagmumungkahi kay Pangulong Duterte na ang pulungin naman niya ay ang mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP) at pagsabihan na sila ay ipakukulong at babarilin kapag hindi tumigil sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga drug lord/supplier. Sabi niya noon sa mga tiwaling pulis: “There is a hell to pay.”

Kung may “narco mayors”, “narco govs” at “narco pols” (nangunguna raw si Sen. Leila de Lima), tiyak daw na may “narco cops” din. Dapat malaman ni Mano Digong na hindi lang sa illegal drugs sangkot ang kanyang mga pulis kundi maging sa kidnapping, robbery atbp. Batay sa pinakahuling ulat, isang pulis ang dawit sa pagdukot sa isang Korean businessman.

Tid bits: Handa si PDu30 na makipagkita kay Joma Sison, founder ng CPP sa isang third country, upang isapinal ang peace agreement. Ang peace panel ay makikipagpulong sa grupo ng CPP-NPA-NDF sa Rome sa Enero 19-25. Hindi magdedeklara ng martial law si Pres. Rody na taliwas sa mga ulat na magpapataw siya ng batas-militar kapag naging “very virulent” ang problema sa droga. (Bert de Guzman)