SA bisperas ng taunang pulong ng mga pinakamakakapangyarihan sa mundo ng pulitika, pinansiyal at negosyo sa Davos, Switzerland ngayong linggo, nagbabala ang pandaigdigang organisasyon laban sa kahirapan, ang Oxfam, laban sa lumalaking kaibahan sa pagitan ng pinakamayayaman at ng mahihirap sa mundo.
Ayon dito, ang walong pinakamayayamang tao sa mundo, ay mayroong ari-arian na katumbas ng pagmamay-ari ng 3.6 na bilyong tao na bumubuo sa kalahati ng kabuuang populasyon sa daigdig. “It is obscene for so much wealth to be held in the hands of so few men,” ayon sa Oxfam. “Inequality is trapping hundreds of millions in poverty; it is fracturing our societies and undermining democracy.”
Ang resulta, ayon sa Oxfam, ay ang malawakang pananaw kontra sa katatagan, na binigyang-diin ng desisyon ng mamamayang British na lisanin na ang European Union at ang pagkakahalal kay United States President Donald Trump.
Pinagtipun-tipon ng kumperensiya sa Davos — opisyal na taunang pulong ng World Economic Forum – ang karamihan sa mga pinuno sa mundo, kabilang sina British Prime Minister Theresa May, US Vice President Joe Biden, at Chinese President Xi Jinping, kasama ang nasa 3,000 nangunguna sa pandaigdigang negosyo at mga gobyerno, at iba pang mga pinuno mula sa mahigit 100 bansa.
Magkakaroon ng mga debate at iba pang mga talakayan sa mga usaping tulad ng reporma sa pamumuhunan, globalisasyon, dagsa ng refugees sa Gitnang Silangan at Europa, at nagpapatuloy na banta ng pandaigdigang terorismo. Bukas, Enero 20, ay inaasahan nang tututok ang lahat sa Washington, DC, sa kabilang bahagi ng mundo kung saan manunumpa sa tungkulin si President Trump at ilalahad ang kanyang mga plano para sa bansa, na tiyak nang makaaapekto sa buong mundo.
Ang tumitinding kawalan ng pagkakapantay-pantay sa mundo ay ramdam na rin sa sarili nating bansa, na naghalal ng isang pangulo na naninindigan sa pagbabago at ngayon ay buong giting na nagsusulong ng mga hakbangin upang maisakatuparan ito. Bahagi tayo ng pandaigdigang epekto ng kawalan ng pakialam na nagbunsod sa Brexit at sa pagkakahalal kay President Trump.
Walang bubuuing opisyal na desisyon ang kumperensiya sa Davos. Ngunit ang mga nakikibahagi rito ay mga pinuno ng sarili nilang mga bansa at maaaring manguna sa pagtataguyod ng pagbabago sa pagbabalik nila sa kani-kanilang bayan mula sa kumperensiya. Makabubuti sa ating mga opisyal ang tumalima sa proseso at kung maaari ay magpatupad ng mga hakbanging iminungkahi, gaya ng pinasiglang pamumuhunan sa serbisyo-publiko at trabaho, mas maayos na pasahod sa mga manggagawa, at mas makatuwirang buwis.