WALANG iniwasang tanong si LJ Reyes sa grand presscon ng Pinulot Ka Lang Sa Lupa tungkol sa past at present relationship niya sa dalawang Paolo, sina Paolo Avelino at Paolo Contis.
Hindi niya inilalayo sa ama ang anak na si Aki, may papel pa rin si Paolo Avelino sa kanilang anak.
“Kung gusto niya, busy yata siya,” na sinabayan ng tawa ni LJ. “Kilala naman ni Aki ang daddy niya, hinahanap din niya sa akin dahil napapanood niya sa TV. Saka busy rin naman si Aki sa studies niya.”
Nang tanungin kung kailan sila magpapakasal ni Paolo Contis, okey daw ang relasyon nila pero marami pang inaayos bago sila magpakasal. Magkasamang nagbakasyon sina LJ, Paolo C. at Aki sa New York. Doon nakatira ang mommy at sister ni LJ.
Sa Pinulot Ka Lang Sa Lupa, muling mapapanood si LJ na nagdadrama, at napaka-mean ng character niya. Siya na ba ang kapalit ng kilalang kontrabida sa GMA na si Jean Garcia na kasama rin niya ngayon sa nasabing afternoon prime serye?
“Hindi naman, iisa ang Jean Garcia, kaya lang mabait ang character niya rito at ako talaga ang mean sa character ko.
Bukod kay Julie Anne (San Jose), kahit si Ms. Jean, binabangga ko. Basta, panoorin ninyo ang pagtataray ko rito. Matagal-tagal din akong hindi nagdrama at dito todo na ang gagawin ko.”
May ilang eksenang ipinakita sa full trailer na medyo sexy siya. Gagawin din ba niya ang pagpapaseksi ni Ryza Cenon, na ultimate winner nila noon sa Starstruck sa afternoon prime din nitong Ika-6 Na Utos?
“Hindi naman, si Ryza na muna ngayon, okey na ako sa pagpapaseksi, ang laki na ng anak ko, tama na ang paseksi, sa drama na lang ako.”
Sa Lunes, January 30, mapapanood ang Pinulot Ka Lang Sa Lupa, mula sa direksiyon ni Ms. Gina Alajar. (NORA CALDERON)