SA anim na taong panunungkulan ni dating Pangulong Noynoy Aquino, ni minsan, hindi niya inakong sumsuman ang ilegal na droga sa ating lipunan. Kahit sa kanyang mga SONA (State of the Nation Address) kada taon, sa pinagsamang kapulungan (Kongreso at Senado), walang dighay man lamang, sa nakabaong pangil na pala, ang tungkol sa ipinagbabawal na gamot. Bakit kaya?
Dahil hindi niya alam? O walang alam? Nagbubulag-bulagan? Kahit alin sa mga nabanggit, malinaw ang kapalpakan! Mas matindi, ay kung batid nito ang industriya ng droga at walang ginawa. Bakit? Ang sagot ay sa pagtatanong muli— Ano ba ang maaaring magpatahan sa sigaw ng batas? Bumusal sa hustisya?
Yun na! Ano nga ‘yung pangako ni PNoy sa mga magulang? Tapos sa ilalim ni Presidete Duterte nabulaga tayong lahat sa talamak at tindi ng kabuktutan ng shabu, marijuana, ecstasy pills at ilang milyong, nalulong o nasiraan ng ulo.
Heto ngayon, dagdag isyu na nanatiling tikom— ang jueteng sa Luzon, swertres sa Visayas at iba pa noong administrasyong Aquino. Batid ba ng madlang pipol na, halimbawa, may lalawigan sa Central Visayas, na ang bigayan sana, kung natuloy, ay P50 milyon buwan-buwan sa gobernador. Heto pa, magkano ang inaakyat sa “dilaw” na Palasyo linggo-linggo? P20-25 milyon! Hindi ko ilalaglag ang tumatanggap. Basta ba hindi gawing legal ang jueteng, swertres atbp., magpapasasa ang mga jueteng lords, tiwaling opisyales, pulis atbp.
Matagal ko na isinusulong na ilantad sa ilaw ng sambayanan ang pustahan at ipahawak sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Layunin ng PCSO na banggain ang jueteng lords.
Kung gagawing piso o 75 sentimo ang laro, mas kaya ng pamahalaan na ibaba sa 50 sentimo ang taya, at lakihan ang premyo! Tawag dito “price war”. Matitiklo at masisira lang ang jueteng lord kapag seryoso na ang gobyerno.
Mainam na panukala ay buksan sa mga lokal na pamahalaan ang pagsosyo sa buong Pilipinas. Maaaring 50-50 ang hatian? O 60-40? Malayang pumasok o hindi ang mga local government unit (LGU) sa bagong skema, at dagdagan ang pagbola ng numero bawat araw. PCSO ang hahawak sa ticket, outlet, ahente at auditor.
Habang ang LGU naman ang magsisilbing tanod, sa tulong ng PNP. Isasaad sa bagong batas ng Kongreso ang kikitain sa hatian ng LGU gawing “Social Amelioration Fund”. Sa madaling sabi, bagong ospital, dialysis, dagdag doktor, libreng gamot, palibing, benepisyo sa pulis atbp. Bayan ang makikinabang! (Erik Espina)