Gen. Ronald Dela Rosa

Humingi ng paumanhin si Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa South Korea kasunod ng sinasabing pagpatay ng ilang tiwaling pulis sa dinukot na negosyanteng Korean sa loob mismo ng Camp Crame.

“I am very sorry the crime happened and my people are involved,” sinabi ni Dela Rosa nang kapanayamin ng media matapos ang oath-taking ng mga opisyal ng pulisya sa Malacañang kanina.

Sinabi ni Dela Rosa na “very angry” siya kaugnay ng pagkamatay ni Jee Ick-joo, 53, sa loob ng Camp Crame, at inaming kung posible lang ay gusto na niyang patayin ngayon ang mga tiwaling pulis.

Silvanas, pasok sa ‘50 best cookies in the world’

“Very angry. Very offended. Kung puwede lang matunaw ako ngayon sa kinalalagyan ko sa hiya. It happened sa loob ng Camp Crame. Kinuha nila (si Jee) doon sa Caloocan, dinala doon sa loob ng Camp Crame, at doon pinatay,” sabi ni Dela Rosa sa briefing sa Malacañang kanina.

“Kung puwede lang matunaw ako ngayon sa hiya. Hiyang-hiya ako,” dagdag ng PNP chief.

“If I have my way, papatayin ko kayong mga pulis kayo. But I cannot do it because it is illegal,” ani Dela Rosa.

Nangako naman si Dela Rosa na magsusumite siya ng kumpletong report sa pamilya ng biktima at sa South Korean ambassador to the Philippines kaugnay ng insidente.

Pinatay at na-cremate si Jee makaraang dukutin ng umano’y isang grupo ng mga pulis noong Oktubre 2016.

Nagbayad din ng P5 milyon ransom ang pamilya ni Jee, ngunit pinatay pa rin siya.

Kasabay nito, sinabi ni Dela Rosa na tutulan niya ang anumang pagtatangka na gawing state witness sa kaso ang pangunahing suspek sa kaso na si SPO3 Ricky Sta. Isabel dahil ito, aniya, ang “mastermind”.

Sumuko na si Sta. Isabel sa awtoridad, at inirekomenda na rin ng Department of Justice ang pagsasampa rito ng kasong kidnapping for ransom, kasama ng iba pang mga pulis.

(GENALYN D. KABILING)