Tawagin n’yo na lang akong “Pareng Rody”.

Ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga contact number sa isang grupo ng mga sundalo at hinimok ang mga itong tawagan siya kung may kailangan.

Binigyang-diin ng Presidente ang buo niyang suporta sa mga sundalo sa pagsisikap niyang mapataas ang morale ng mga ito kasunod ng pagkasawi ng isang kasamahan ng mga ito sa pakikipagbakbakan sa Abu Sayyaf Group sa Basilan kamakailan.

“Next time magkaproblema kayo, may babae ka na hindi ka talaga sinasagot, ilang taon na, ito tatawagan mo itong tatlo (na mobile number ko). Maski anong problema, kopyahin na lang ninyo,” sinabi ni Duterte matapos saluduhan at kumustahin ang isang grupo ng mga sundalo nitong Lunes ng gabi.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Sabihin mo lang na, ‘Puwede bang kausapin si Pareng Rody? May problema kami rito.’ Oo, Pareng Rody lang [ang itawag n’yo sa ‘kin],” dagdag pa ng Pangulo.

Dumalaw ang Presidente sa burol ni Army Capt. Clinton Capio sa Taguig City nitong Lunes ng gabi at nagsagawa ng biglaang diyalogo sa mga sundalo.

Tumanggap din si Capio ng posthumous promotion bilang Army Major mula sa Presidente.

“You do not get really the publicity of your exploits, of your bravery, or of your sacrifice but what is certain is that, ang gobyerno has,” sabi pa ni Pangulong Duterte sa mga sundalo. “Relax lang, and basta nandiyan ako.”

Nanawagan din si Duterte sa mga sundalo na ituloy ang pagpupunyagi para sa ikatatagumpay ng kampanya laban sa droga at terorismo upang manatili ang kapayapaan at kaayusan sa bansa. (GENALYN D. KABILING)