Nanawagan si Cagayan De Oro Archbishop Antonio Ledesma na ipanalangin at tulungan ang mga residenteng naapektuhan ng matinding baha na dulot ng walang tigil na pag-ulan sa nakalipas na mga araw.

Hiniling ng arsobispo sa mga mananampalataya na tulungan siyang manalangin na hindi na maulit ang malaking trahedya, na maitutulad sa pananalasa ng bagyong ‘Sendong’ sa lungsod ilang taon na ang nakalipas.

Bagamat nababahala ang Arsobispo dahil wala siya sa Cagayan De Oro City dahil sa WACOM 4, ay tiwala siyang mabilis na tinutulungan ng Social Action Center ng Archdiocese ang mga apektadong residente.

SAPAT ANG AYUDA

Probinsya

Dahil sa 5.8-magnitude na lindol: Kalsada sa Liloan, Southern Leyte, nagkabitak-bitak!

Tiniyak naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga taga-Northern Mindanao na tatanggap ang mga ito ng relief assistance mula sa gobyerno.

Sinabi ni Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo na sapat ang nakahandang ayuda ng DSWD-Region 10 para sa mga pangangailangan ng mga apektadong pamilya.

Aniya, nasa satellite office ng kagawaran sa Northern Mindanao ang 3,200 bag ng bigas na ipamamahagi sa mga binaha sa Misamis Occidental, Camiguin, Iligan at Bukidnon.

Mayroon ding 9,000 family food packs (FFPs) at 2,000 dignity kit para sa mga naapektuhan ng baha sa mga munisipalidad ng Gingoog at Logonglong sa Misamis Oriental.

Dagdag pa ni Taguiwalo, maaaring gamitin ng DSWD field office ang P7-milyon standby fund para ibili ng karagdagang emergency relief supplies.

LANDSLIDE SA CEBU

Samantala, 11 sasakyan naman, kabilang ang siyam na pampasaherong jeepney, ang nalibing sa putik at mga bato sa landslides sa Sitio Garahe, Barangay Busay sa Cebu City, kahapon ng madaling araw.

Wala namang nasaktan sa pagguho ng lupa, ayon kay Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office Chief Nagiel Bañacia.

Kasabay nito, nanawagan ang Mines and Geosciences Bureau (MGB)-Region 7 sa mga lokal na pamahalaan na na magpatupad ng preemptive evacuation dahil patuloy na uulanin ang lalawigan ngayong linggo.

(May Ann Santiago, Aytch dela Cruz at Mars Mosqueda, Jr.)