Magsisimula na ang tunggalian ng mga opinyon sa Charter Change ng 200 kasapi ng Kamara.
Sinabi kahapon ni Speaker Pantaleon Alvarez na anim na buwan mula ngayon, sisimulan ng Kongreso bilang isang constituent assembly (Con-As), ang deliberasyon ng pag-aamyenda sa Konstitusyon para gawing parliamentary system ang gobyerno tungo sa pederalismo.
Ayon sa Speaker, pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order na lumilikha ng lupon ng 25 miyembro na magbubusisi sa mga mungkahing pagbabago sa Saligang Batas.
Si Alvarez ang nagsumite ng panukalang EO sa Malacañang upang lumikha ng isang Constitutional Commission, na magbabalangkas sa bagong Konstitusyon.
“Ang kulang na lang yung appointment nung mga members nung Constitutional Commission. As soon as tapos na yung appointment, hopefully by this month, pwede nang mag-umpisa ng trabaho yung Commission,” ani Alvarez.
“Marami pa tayong naka-pending na bills; para naman mapasa natin yung mga naka-pending natin then in 6-months’ time baka pwede nang mag-focus (on charter change proposal),” dagdag ng Speaker. (Bert de Guzman)