Aabot sa 60 bahay ang natupok dahil sa napabayaang kandila na ginamit umano sa pot session sa Parañaque City, nitong Martes ng gabi.
Aminado ang isa sa mga nasunugan na kinilalang si Bienvinido Mañacap na iniwan umano ng isang Dodong Masankay ang kandila na ginamit nila sa pot session na naging sanhi ng pagsiklab ng apoy.
Sa ulat ni Fire Supt. Renato Capuz, ng Parañaque City Fire Marshal, dakong 10:10 ng gabi nagsimula ang apoy sa ikatlong palapag ng bahay ni Masangkay sa Sitio Pag-asa, Barangay Sun Valley ng nasabing lungsod.
Nabatid na matagal nang walang kuryente ang bahay ni Masangkay kaya kandila ang kanilang ginagamit.
Mabilis na kumalat ang apoy, umabot sa ikalimang alarma, sa mga katabing bahay at tinatayang 150 pamilya ang apektado.
Bandang 1:14 ng madaling araw tuluyang naapula ang sunog at tinatayang P1.5 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala. (BELLA GAMOTEA)