Napikon si Senator Juan Miguel Zubiri sa mga patutsada ni Senator Antonio Trillanes IV kaya naman itinigil muna ang sesyon ng Senado kahapon.
Nainis si Zubiri makaraang sabihin ni Trillanes na mayroong “whitewash” o may plano sa pag-refer ni Zubiri sa imbestigasyon sa anomalya sa Bureau of Immigration (BI) sa komite ni Senator Richard Gordon.
Sa kanyang privilege speech, itinanggi ni Zubiri ang akusasyon ni Trillanes at iginiit na walang basehan ang dating sundalo dahil kahit minsan ay hindi siya nasangkot sa anumang anomalya o pandaraya.
Kasunod nito, inungkat ni Trillanes ang pagre-resign ni Zubiri sa Senado noong 2011 matapos akusahan ng pandaraya ng kampo ni Senate President Aquilino Pimentel III, ang nasa ika-13 puwesto sa mga nahalal na senador noong 2007.
Dito na tuluyang napikon si Zubiri at sinabihan si Trillanes na ibang tao ang nandaya para manalo siya, at hindi umano gaya ni Trillanes na nasangkot sa rebelyon at nakulong.
“That was my shining moment, and I consider it as a badge of honor,” maikling sagot naman ni Trillanes, bago pinayuhan si Zubiri na dapat itong nakahanda sa anumang giyera.
Natigil ang sagutan ng dalawa nang suspendihin ni Pimentel ang sesyon. (Leonel M. Abasola)
