MELBOURNE, Australia (AP)—Tulad ng mga naunang laban sa first round ng Grandslam event, dominante si Serena Williams.
Walang pinag-iba ang resulta nitong Lunes (Martes sa Manila) sa mga naunang laban ng six-time Australian Open champion nang patalsikin si Belinda Bencic ng Switzerland sa straight set, 6-4, 6-3, at hilahin ang first round Grandslam career record sa 65-1.
Target ng No. 2-ranked American tennis star ang kasaysayan na ika-23 major title sa Open era. Naisalba niya ang laro laban sa No.12 seed player at may anim pang naghihintay sa kanya sa Melbourne Park.
"She was just recently in the top 10. I knew it would be one of the toughest first-round matches I've ever played," pahayag ni Williams, patungkol kay Bencic na naging No.7 sa world ranking sa nakalipas na season.
Sunod niyang makakaharap si Lucie Safarova, nagwagi kontra Yanina Wickmayer 3-6, 7-6 (7), 6-1.
Umusad din sa second round sina Karolina Pliskova at Johanna Konta, kapwa nagpamalas nang katatagan sa Grand Slam event sa nakalipas na taon.
Ginapi ng U.S. Open finalist na si Pliskova, kampeon sa Brisbane International kamakailan, si Sara Sorribes Tormo, 6-2, 6-0.
Hindi pa nakakalagpas sa third round sa kanyang career sa Australian Open ang fifth-seeded Pliskova, nagwagi kay Williams sa U.S. Open semifinal, ngunit nabigo sa kampeonato kay Angelique Kerber.
Ngunit, sa pagkakataong ito, mas kumpiyansa si Pliskova.
"I feel good on the court, especially when I win my first title in the first week of the year," pahayag ni Pliskova.
"So I'm ready for the tournament."
Nahirapan naman si Konta, kampeon sa Sydney International kamakailan, bago napabagsak si Kirsten Flipkens 7-5, 6-2 sa Margaret Court Arena.
"I definitely love playing here. It's a dream. A lot has happened in the last year, but I'm just enjoying playing and getting better each day,” aniya.
Sa iba pang resulta, ginapi ni No. 21 Caroline Garcia si Kateryna Bondarenko 7-6 (4), 6-4 at umusad si No. 30 Makarova sa 6-0, 4-6, 6-1 panalo kay Ekaterina Alexandrova.