Sa kabila ng pagkakaibigan, nakatikim ng saksak ang isang 20-anyos mula sa kanyang kaibigan na napikon sa kanilang pagbibiruan sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa.
Kasalukuyang ginagamot sa ospital si Gimbert Gaskell, ng 1324 A. Oroquieta Street sa Sta. Cruz, dahil sa tama ng saksak sa kanang mata at iba pang bahagi ng katawan habang nakatakas naman ang suspek na si Joeman de Guzman.
Sa ulat ni Police chief Inspector Michael Garcia, deputy station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 3, dakong 12:30 ng madaling araw nangyari ang insidente sa F. Huertas St., kanto ng Alvarez St., Sta. Cruz.
Nauna rito, masaya umanong nagbibiruan ang magkaibigan sa harap ng isang computer shop nang bigla umanong mapikon ang suspek sa biktima kaya bumunot ito ng kutsilyo at makailang beses sinaksak ang huli.
Nang makitang duguan ang kaibigan ay kaagad nang tumakas si De Guzman bitbit ang kutsilyong ginamit sa krimen.
(MARY ANN SANTIAGO)