“POLL shows high satisfaction on Digong,” saad sa isang ulat noong nakaraang linggo. “Satisfaction with gov’t dipped,” sabi naman ng isa pa.
Ang parehong ulat ay tungkol sa resulta ng iisang survey, ngunit bagamat binigyang-diin ng isa ang positibong aspeto ng survey, negatibo naman ang dating ng isa pa. Ang katotohanan, siyempre pa, ay totoong may positibo at negatibong anggulo ang survey na isinagawa ng Social Weather Stations noong Disyembre 3-6, 2016. Hindi makikita ang halaga ng pagkakaiba ng survey sa ngayon, ngunit binibigyan tayo nito ng dahilan upang abangan ang mga susunod na survey.
Natukoy ng survey noong Disyembre 3-6, na may 1,500 respondent (sana ay kumakatawan sa bansang ito na may 100 milyong populasyon), na 73 porsiyento ang nagpahayag ng kakuntentuhan sa bagong administrasyon; 12 porsiyento ang hindi nasisiyahan; habang 15 porsiyento ang hindi makapagpasya. Ang net satisfaction rating ay +61 (babawasin sa 73 porsiyentong kuntento ang 12 porsiyentong hindi kuntento). Ikinokonsidera ng SWS ang +61 rating bilang ”very good”.
Tatlong buwan na ang nakalipas, sa survey noong Setyembre, natukoy ng SWS na 75 porsiyento ang kuntento at walong porsiyento ang hindi nasisiyahan, na may net rating na +66. Nangangahulugan ito na sa pagitan ng Setyembre at Disyembre ay nabawasan ang mga Pilipinong kuntento sa pamamalakad ng gobyerno makaraang makapagtala ng limang puntos na pagbaba—mula sa +66 ay naging +61.
Hindi naging malaki ang pagdausdos—ang kakuntentuhan ng publiko ay nananatiling “very good”. Ngunit malinaw na bumaba pa rin ito at dapat na alamin ng mga nasa gobyerno kung saang aspeto ng pamunuan nabawasan ang suporta ng publiko, at kagyat na tugunan ito.
Sa survey nitong Disyembre ay tinukoy ang ilang larangan na nakapagtala ang gobyerno ng mas mataas na ratings kumpara noong Setyembre. Kabilang sa mga larangang ito ang paglaban sa krimen, terorismo, katiwalian at kurapsiyon, at pakikipagkasundo sa mga rebeldeng Muslim at Komunista. Nasisiyahan ang publiko kung paano tinutugunan ng administrasyon ang nasabing mga usapin.
Gayunman, nakukulangan ang publiko sa pagtugon ng administrasyon sa ilang isyu, partikular na sa pagtiyak sa mahusay na sistema ng transportasyon, ugnayang panlabas, pagkakaloob ng mga trabaho, pagtulong sa mahihirap, at pagtatanggol sa karapatan sa teritoryo. Ikasisiya ng mamamayan kung higit pang pagsusumikapang matugunan ang mga usaping ito.
Malaking tulong ang mga opinion survey sa demokratikong pamamahala. Ito ang paraan upang maiparating ng mamamayan sa gobyerno kung ano ang opinyon nila sa kasalukuyang sitwasyon sa bansa. Mainam na pagtuunang mabuti ng pamahalaan ang mga resulta ng survey at ituring na gabay ang mga ito sa pagsasakatuparan ng iba’t ibang programa para sa bansa.