BAGAMAT nanatiling matapat na kasapi ng isang fraternity, naghihimagsik ang aking kalooban kapag nababalitaan ko ang malagim na initiation rites na nagbibigay-panganib sa buhay ng isang neophyte na naghahangad maging miyembro ng isang kapatiran. Isinasaad sa ulat na si Larissa Colleen Alilio, estudyante ng Lyceum of the Philippines University, ay naging biktima ng hazing incident na pinangunahan ng mga kasapi ng Tau Gamma Sigma sorority. Ang 10 sa hazing suspects ay tinukoy ng pulisya at ng mismong biktima.

Hindi miminsang tayo ay ginulantang ng gayong makahayop na pagpapahirap sa mga neophyte na isinasagawa ng tinatawag na mga masters ng fraternity (kalalakihan) at sorority (kababaihan). Ang mga neophyte ay kinabibilangan ng mga baguhang naghahangad maging miyembro ng mga kapatiran.

Nangangahulugan na talamak pa rin ang malupit na initiation rites; maliwanag na tinatawanan at walang pakundangan ang paglabag sa Anti-Hazing Law. Ang pamunuan ng mga kolehiyo at unibersidad ay tila manhid sa pagpapatupad ng naturang batas na naglalayong maiwasan ang mabangis na pagpaparusa na kung minsan ay humahantong sa kamatayan.

Naniniwala ako na ang pagsali sa isang fraternity ay isang epektibong paraan ng pagdisiplina at pagtatamo ng mga kaalaman tungo sa pagkakapatiran; lalo na nga ang mga magkakamag-aral na nagpapakadalubhasa sa iba’t ibang larangan ng karunungan. Ang pagkamaginoo, huwaran sa kagandahang-asal at makataong pakikipagkapwa ay malilinang sa pagsapi sa mga kapatiran.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Maging ang ating mga bayani na sina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, Antonio Luna at iba pa ay binuklod ng mga kapatiran. Tulad ng ating mga rebolusyonaryo, sila man ay minsan ding nagkaisa bilang magkakapanalig sa ipinaglalaban nilang mga simulain. Hindi ba ang ilan sa ating mga kapwa na kabilang sa iba’t ibang sekta ng pananampalataya ay binubuklod din ng mga kapatiran?

Subalit walang daan ang makahayop na mga pamamaraan upang matamo lamang ang tunay na diwa ng pagkakabuklod-buklod ng adhikain. Hindi marahil kalabisang banggitin na sumailalim din ako sa mahigpit na pagsubok o initiation rites na isinagawa ng kinaaaniban kong Delta Sigma Lambda fraternity sa Far Eastern University, may ilang dekada na rin ang nakalilipas.

Naging panuntunan ng naturang fraternity ang tinatawag na psychological initiation rites na walang kaakibat na mistulang paglumpo at walang habas na pamamalo sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng neophyte. Tinatampukan ito ng pagsasagawa ng academic seminar, personality interview, at research. Bahagi rin ito ng paghahatid namin ng bulaklak sa sinumang nais padalhan ng mga fraternity masters.

Ang ganitong mga estratehiya ang marapat na maging bahagi ng mga initiation rites na walang bahid ng kultura ng kabangisan. (Celo Lagmay)