TINIYAK ng opisyal ng Department of Health nitong Lunes na hindi pa nasisimulan ang pamamahagi ng condom sa alinmang paaralan sa Quezon City.
“There was never a pilot on condom distribution, rather it was a pilot on a reference material on human immunodeficiency virus (HIV),” saad ni Department of Health Spokesperson Dr. Eric Tayag sa kanyang Twitter account.
Ito ang naging tugon ng opisyal sa pagbabawal ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa pamimigay ng mga condom sa mga eskuwelahan sa kanyang nasasakupan.
Binigyang-diin ni Tayag na tanging reference material na may lamang impormasyon tungkol sa HIV at bilang bahagi ng pagsisikap na makapagbigay ng age-appropriate intervention sa mga paaralan kaugnay ng usapin.
Kamakailan ay inamin ni Health Secretary Dr. Paulyn Ubial na hindi pa handa ang sistema ng paaralan para sa plano ng kagawaran na mamahagi ng mga condom sa klinika ng mga paaralan bilang tugon sa nakaaalaramang pagdami ng kabataang dinadapuan ng HIV, na nasa edad 15-24.
“We are taking this one step at a time because this is one thing that the school system is not prepared for,” aniya, idinagdag pa na batid ng Department of Health ang pangangailangang sanayin ang mga guro at counselor kung paano tatalakayin ang pagtatalik, seksuwalidad at reproductive health sa mga estudyante.
“We really have to win the cooperation of the teachers and school health professionals because we cannot do this alone in the Department of Health,” sinabi ni Ubial.
Nilinaw din ng kalihim na magpapamigay lamang sila ng mga condom sa mga taong aktibo sa pakikipagtalik at sa mga umamin na nakaranas nang makipagtalik, dahil ang mga ito ang nanganganib na makakuha ng sexually transmitted disease.
Inihayag niya na sasamahan ang pamimigay ng condom ng wastong counseling.
Disyembre nang ihayag ng Department of Health ang ideya ng pamamahagi ng condom sa mga klinika sa paaralan, kasunod ng paglabas ng datos mula sa HIV/AIDS at ART Registry of the Philippines na nagsabing may 758 bagong kaso ng HIV ang naitala noong huling bahagi ng Nobyembre, na nagkaroon ng kabuuang 38,872 simula nang madiskubre ang virus noong 1984. Lalaki ang 96 na porsiyento ng kaso nito at higit sa kalahati ang kabilang sa nasa edad 25-34, habang 29 na porsiyento ang nasa edad 15-24.
Inihayag ni Mayor Bautista nitong Linggo na sinusuportahan ng pamahalaang lungsod ang kampanya ng bansa tungkol sa kamulatan ng publiko sa HIV/AIDS, ngunit iginiit ng alkalde na hindi niya papayagan ang pamimigay ng condom sa mga paaralan—maliban na lang sa mga public health facility sa Quezon City. (PNA)