Nagawang makaalis sa bansa ng retiradong pulis na isa sa mga suspek sa pagdukot sa Korean na si Jee Ick-Joo, sa sinasabing gawa-gawang “Oplan Tokhang”.
Dahil dito, ipinag-utos ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na isama sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) si SPO3 Ricky Sta. Isabel, isa pang suspek sa pagdukot kay Ick-Joo, kahit sumuko na ito sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Linggo.
“’Yung isa sa mga suspect diyan na retired policeman nakaalis na, pumunta na ng Canada,” pahayag ni Aguirre, na nalaman ang pagtakas ng isa sa mga suspek mula kay Philippine National Police (PNP) Director General Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sa ngayon, sinabi ng kalihim na makikipagtulungan siya kay Dela Rosa kaugnay ng mga hakbangin para mahuli ang tumakas na suspek.
Sinabi rin ni Aguirre na aalamin niya kung nasa Pilipinas pa ang mga natitirang suspek. (Jeffrey G. Damicog)