MELBOURNE, Australia (AP) — Nagdiwang ng kanyang kaarawan si Angelique Kerber sa impresibong 6-2, 6-7 (3), 6-2 panalo sa Rod Laver Arena nitong Miyerkules para makausad sa third round ng Australian Open.

Nahirapan man ng bahagya ang defending champion, higit na matamis ang pagdiriwang ng kanyang ika-29 kaarawan sa pagwawagi kay Carina Witthoef.

“I’m always playing on my birthday — always in Australia,” sambit ni Kerber, nakapagtala ng kasaysayan dito sa nakalipas na season nang gapiin ang dating No.1 na si Serena Williams. Nasundan niya ito ng tagumpay sa U.S. Open para maagaw kay Williams ang top ranking.

“I feel like at home here. I’m 29. I’m getting older, but I think I’ll have a great day today.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Napilitang umatras ang magkapatid na Serena at Venus Williams sa nakatakda nilang laban sa first-round ng doubles bunsod nang pinsala sa kanang siko ng nakatatandang Williams, nagwagi kay Stefanie Voegele sa singles match.

Nakatakdang harapin ng magkapatid sina Timea Babos at Anastasia Pavlyuchenkova sa Show Court 2, ngunit hindi sumipot ang dalawa, Kinompirma ng Australian Open organizer ang pag-atras ng magkapatid sa social media.

Noong 2015, umatras din ang magkapatid sa kanilang first-round doubles sa Melbourne Park.

Tangan ng magkapatid ang 14 Grand Slam doubles title, kabilang ang apat na Australian Open.

“I have to talk about this every interview,” pahayag ni Venus matapos ang panalo sa second round ng women’s singles.

Sa iba pang laro, umusad sina No. 11 Elina Svitolina kontra US qualifier Julia Boserup, 6-4, 6-1, at No. 24 Anastasia Pavlyuchenkova kontra sa kababayang Russian na si Natalia Vikhlyantseva 6-2, 6-2.

Nagbunyi naman ang crowd nang pabagsakin ni Canadian Eugenie Bouchard si Peng Shuai ng China, 7-6 (5), 6-2, para makausad sa third round sa unang pagkakataon sa nakalipas na dalawang season. Umabot siya sa semifinal noong 2014.

Sunod niyang makakaharap ang magwawagi sa pagitan nina CoCo Vandeweghe at Pauline Parmentier.

“Overall, I’m feeling better with each passing day,” sambit ni Bouchard.