Arjo copy

PINANINDIGAN na ni Arjo Atayde ang pagiging singer at dancer.

Tinanggap niya ang imbitasyon ng Casino Filipino para sa six-weekend provincial shows na nagsimula na nitong Sabado sa Pampanga kasunod ang Cebu sa Enero 28; Tagaytay -- Pebrero 4; Subic – Pebrero 11 at isa pa sa February rin. Ang mga susunod na show niya ay sa Marso at Abril na.

Senior citizens daw na mahilig mag-casino ang nag-request kay Arjo sa Pagcor. Napanood ng mga ito si Arjo nang sumayaw sa ASAP kamakailan at dahil marunong sumayaw, baka marunong ding kumanta.

Silvanas, pasok sa ‘50 best cookies in the world’

Idinaan sa Star Magic ang offer at ipinaalam sa magulang ni Arjo na pumayag naman dahil medyo maluwag naman ang schedule niya kapag weekend.

“Nagulat nga kami kasi, di ba, hindi naman kumakanta talaga si Arjo?” kuwento ng mama ng aktor na si Sylvia Sanchez.”’Yung sayaw, oo, first love niya ‘yan, next ang acting. Pero ang pagkanta, hindi ganu’n. Nadadaan sa praktis.

“Kaya sabi ko, ‘nak, subukan mo na ring kumanta sayang, eh, habang may kumukuha sa ‘yo.’ At ang nakakatuwa, puro matatanda ang nag-request kay Arjo. Di ba, fans ng anak ko mga may edad na at sumunod mga bata?”

Sila ‘yung avid viewers ng FPJ’s Ang Probinsyano dahil nga kay Da King na kapanahunan nila at ang mga bata naman dahil kina Onyok at Awra bukod pa kay Coco Martin at sa maaksiyong kuwento ng programa.

Marami na ang nagagalit sa sobrang kasamaan ni Joaquin Tuazon at sa katunayan ay gusto na rin siyang mawala sa Ang Probinsyano, ‘kaso kapag pinatay na ang karakter ni Arjo, e, di tapos na ang programa.

Ito na ang problema, ayaw papuntahin ni Arjo ang pamilya sa series of shows niya sa Pagcor.

“Ayaw niya kasi hindi pa raw siya confident sa boses niya, baka raw i-bully lang namin siya, ha-ha-ha. Ganyan ‘yan, eh,” kuwento ni Ibyang.

Siyempre, nagtanung-tanong kami sa mga nakapanood kay Arjo sa nakaraang show sa Cebu.

“Okay naman po si Arjo for a start. Kabado lang, pero okay siya, pinalakpakan siya nang husto,” feedback sa amin.

Kaya Arjo, karerin mo na ang pagkanta’t pagsayaw para maimbitahan ka na rin ng TFC para mag-show sa ibang bansa.

(REGGEE BONOAN)