KABILANG ang isyu ng volleyball sa Pilipinas sa prioridad na maresolba ng International Volleyball Federation (FIVB) sa mas madaling panahon.

Sa pinakabagong memorandum na inilabas ni Mr. Fabio Azcuedo, FIVB General Director, kinumpirma at inaprubahan ng FIVB Board of Administration ang mga isyu na tatalakayin para sa isasagawang imbestigasyon ng Ad-Hoc Commission na itinalagang magimbestiga sa kalakaran ng volleyball sa Pilipinas.

Kinumpirma ang mga sumusunod na ‘terms of references’:

1) Alamin ang mga isyu at ibinigay na dahilan ng Philippine Olympic Committee (POC) para bawiin ang pagkilala sa Philippine Volleyball Federation.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

2) Pag-aralan ang mga ginamit na legal na pamamaraan para maresolba ang isyu sa pagitan ng PVF, Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc at POC.

3) Magbigay ng rekomendasyon para sa opisyal na desisyon sa isyu na ipahahayag sa 36th FIVB World Congress sa Punta Cana, Dominican Republic.

Nitong Disyembre 7, 2016 inaprubahan ng FIVB Board of Adminsitratio ang pagbuo ng Ad-Hoc Commission para magsagawa ng imbestigasyon. Kabilang sa commission sina Mr. Jaime Lamboy ng Portugal (chairman), Mr. Tomohiro Tobyama ng Japan at Mr. Vavesan Samuels ng Republic of South Africa bilang mga miyembro.

Ang Ad-Hoc Commission for the Philippines ay gagabayan para sa aspeto ng administratibo nina Mr. Yann Hafner at Mr. Stephen Back, FIVB Legal Affairs Managers.

Wala pang opisyal na petsa para sa pagdating ng Ad-Hoc Commission sa bansa, ngunit sinabi ni PVF president Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada na kalugod-lugod sa volleyball community sa bansa ang naging desisyon ng FIVB.

Tinanggap din ni LVPI Inc. president Jose Romasanta ang naturang desisyon.

Matatandaan na inilahad ng PVF ang mga komento at isyu na naging daan para sa pagkakawatak-watak ng liderato sa volleyball sa isinagawang 35th Congress of the FIVB nitong Nobyembre sa Buenos Aires, Argentina.

Sa naturang pagpupulong, naisantabi ang pagtatangka ng LVPI na makuha ang recognition ng FIVB at sa halip ay ipinag-utos ang pagimbestiga sa naganap na pagsasawalang-bahala sa karapatan ng PVF.

“It was very clear that the need for the application of accreditation to be decided by the Congress confirms that LVPI is not considered a member of the FIVB. Similarly, the need to vote upon the exclusion of PVF also indicates that it has not been removed from the FIVB,” pahayag ni Dean Jose M. Roy III, legal counsel ng PVF.

Naipaliwanag ni Roy sa Congress meeting na ang katayuan ng volleyball sa bansa ay bunga nang sabwatan sa pagitan ni POC president Jose Cojuangco at mga miyembro ng LVPI, na pinamumuan ni Romasanta, pangulo rin ng karate-do at POC first vice president.

Batay sa Constitution ng FIVB, tanging ang Congress ang may kapangyarihang magtanggal ng miyembro sa pamamagitan ng 2/3 vote mula sa 220 miyembro. Sa ilalim din ng POC By-laws and Constitution, kailangan ang boto ng 3/4 mula sa 49-member General Assembly para tangalan ng membership ang national sports ssociation tulad ng PVF. (Edwin Rollon)