CAGAYAN DE ORO CITY – Isinailalim na ng Cagayan de Oro City Council ang buong siyudad sa state of calamity, kasunod ng pagragasa ng baha sa maraming barangay sa business district dahil sa low pressure area, kaya naman libu-libo ang inilikas simula nitong Lunes ng hapon.
Batay sa datos kahapon ng tanghali, nasa 2,999 na pamilya o 12,452 katao ang inilikas upang makaiwas sa matinding baha na sumira sa maraming kabahayan at ari-arian sa maraming bahagi ng Northern Mindanao.
Nakapag-ulat ng pag-apaw ng mga ilog, matinding baha at landslides, apat na katao ang nasawi sa Misamis Oriental dahil sa baha, ayon kay Fernando Dy, OIC ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Nasawi sina Jaime Chan, 3, ng Barangay Agay-ayan; at Nilo Quiloman, 54, ng Bgy. Santiago, parehong sa Gingoog City; gayundin sina Kian Montecino, 10, ng Bgy. Awang, Opol; at CJ Lapuz, 7, ng Bgy. Mahayahay, Magsaysay.
Nawawala naman ang isang Abel Uano mula sa bayan ng Medina.
Dalawa pa ang nasawi sa Cagayan de Oro, ayon sa CDRRMO, at ito ay si Renny Boy Cabido, 14, ng Bgy. Agusan; at isang hindi pa nakikilalang lalaki na umano’y nangisda sa Bgy. Balulang.
Bandang 1:00 ng umaga kahapon nang ideklara ang state of calamity sa siyudad, na sinundan ng kaparehong deklarasyon ng bayan ng Lugait sa Misamis Oriental, makalipas ang ilang oras.
Sa kasagsagan ng ulan at baha, daan-daan ang na-stranded, kabilang na ang mga estudyante at guro na 10 oras na na-trap sa eskuwelahan nitong Lunes, Enero 16, eksaktong anim na taon at isang buwan makaraang manalasa ang mapaminsalang bagyong ‘Sendong’ sa siyudad noong 2011.
Hindi nagsara ang Ayala Centrio Mall at pinapasok ang mga stranded upang pansamantalang manatili sa establisimyento.
Tumawag naman sa mga himpilan ng radyo para magreklamo ng gutom at manghingi ng rescue ang mga estudyante ng Mindanao University of Science and Technology.
Samantala, limang katao na ang nasawi sa matinding pag-uulan na nagbunsod ng baha at landslides sa Cebu, ayon sa disaster officials.
Huling nasawi nitong Lunes ng hapon si Billy Malibong, 28, taga-Sitio Riverside, Bgy. Canduman, Mandaue City, na natagpuan sa dulo ng Butuanon River.
Una nang nasawi sa pag-uulan si Gamallel Lecciones, 61, na nalunod sa Bogo City nitong Lunes, habang pagkalunod din ang ikinasawi ng isang 67-anyos na lalaki mula sa Cebu City; isang 18-anyos na lalaki sa Bgy. Mayana; at isang apat na taong gulang na babae sa Bgy. Patag, kapwa sa City of Naga.
Suspendido naman ang klase sa lahat ng antas, gayundin ang pasok sa mga pampubliko at pribadong tanggapan, sa Tacloban City at sa iba pang munisipalidad sa Leyte dahil rin sa matinding baha.
Sinuspinde ni Department of Education-Leyte Division Schools Superintendent Dr. Ronelo Al K. Firmo ang lahat ng klase sa mga bayan ng Abuyog,Tolosa, Alangalang, Barugo, Capoocan, Palo, Mahaplag, Mayorga, Hilongos at MacArthur.
(May ulat ni Nestor L. Abrematea) (CAMCER ORDOÑEZ IMAM, FER TABOY at MARS MOSQUEDA, JR.)